The Shrine of the Divine Mercy (courtesy of Wikimedia.com/RamonFVelasquez)
Ika-5
ng Nobyembre. Hindi man ako ganoong ka-relihiyoso subalit sa wakas ay
nakarating na ako sa Shrine of the Divine Mercy sa Maysilo Circle, Mandaluyong
City. Una ko nang narinig ang tungkol doon noon pa nang pinaplano pa lamang
ito. Mangyari kasi noong ‘90s, kapag pang-umaga ako sa VABES, eh di
nakakapanood ako ng mga panghapong programa sa TV at may mga sinusubaybayan pa
akong mga palabas tulad ng ilang drama pati “Ang TV” sa ABS-CBN na mula noon hanggang ngayon ay
nagpapatuloy sila sa pag-televise ng “3 o’Clock Habit” at talagang 3:00 pm
sharp, isang minutong nakalaan sa nabanggit na debosyon. Pagkatapos ng maikling
panalangin, naroon ang anunsyo ng tungkol sa pagpapatayo ng Shrine sa
Mandaluyong at humihingi ang pamunuan nito ng mga donasyon. At sa loob din ng
Dekada ’90, naipatayo na ito at naipa-consecrate bilang Shrine na dinarayo ng
napakaraming deboto anumang araw sa buong taon kaya nga kabilang ito sa mga
pilgrim churches.
Nang ako’y nakarating sa bahaging iyon ng Mandaluyong pagbaba mula sa
MRT-Boni Station, kailangang magtanung-tanong at hindi ko kabisado ang lungsod
kahit na pinag-aralan ko ang mapa nito. Sumakay pa ako sa dyip sa may
Robinson’s Pioneer papuntang Maysilo at pagdating doon, naligaw pa ako dahil
lampas na ako sa aking destinasyon kaya tuloy nakapaglakad ako nang malayu-layo
at buti na lang mapuno sa daanan lalo na sa paligid ng Mandaluyong City Hall
with its signature blue paint. Pagdating sa Shrine na napakarami nang tao ang
dumayo dito, napansin kong elevated pala ang kinalalagyan nito na parang
mababang burol at halos pyramidal o ang
istruktura at semi-circle ang interior ng simbahan. At bago ako pumanhik doon,
may nadaanan pa akong plant box sa may hagdan kaya itinanim ko muna dito ang
mga dala kong plantlets ng kataka-taka, ang aking horticultural donation sa
simbahan. Sana, sa muli kong pagbabalik dito, ang mga itinanim kong iyon ay
nagsipaglago na.
Malapit na ngang mag-alas tres ng hapon noon kaya “3 o’Clock Habit” na at
iyon ay sinundan ng recitation ng “Chaplet of the Divine Mercy”. Naglibot pa
ako sa Shrine at may nakalagak pa doon na isang relic ni St. Faustina. Maraming
salamat sa Panginoong Diyos dahil nagkaroon ako ng pagkakataong makapag-visita
iglesia doon at masaya at magaan ang aking pakiramdam pa-uwi ko. Amen. (related
blog post at “Easterly Winds” March 2016)
***
Ika-9 ng Nobyembre. Sa katatapos pa lang na US Elections, nanalo si Donald
Trump laban kay Hillary Clinton thus the victory of the Republicans over the
Democrats.
Ano naman ang masasabi ko? Hmmm, whatever. America is on the other side of
the planet anyway.
***
Ika-10 ng Nobyembre. Habang nasa school pa ako, pasado alas tres ng hapon
ay biglang lumindol. At kahit ilang segundo lang ito, nagdulot na ng takot at
pangamba sa lahat lalo pa’t buhat pa noon ay nagbigay na ng babala ang PHIVOLCS
tungkol sa ibayong pag-iingat sakaling magparamdam na ang West Valley Fault
Line; hay, kaawaan nawa tayo ng Panginoon! Agad na sinuspindi ang mga
panghapong klase bilang pag-iingat.
Habang ako’y naglalakad pauwi, tahimik kong ni-recite ang “Psalm 91” at
pagkatapos ay nagmuni-muni. Nakatatakot talaga ang lindol. Sa mga kalamidad sa
mundo, ito lang ang hindi maaaring ma-predict ng tao. Sinasabing ang lindol ay
ubod ng sinaunang kalamidad. Bagong likha pa lang ang Mundo at iba pang
planeta, pinaniniwalaang nagaganap na ito basta mayroong surface o kalupaan.
Mapaminsala at labis mang kinatatakutan ang lindol, sinasabing ang mga
kontinente at iba pang anyong-lupa ay nabuo dahil sa pagpapayanig nito sa crust
at dahil din sa walang hanggang pag-ikot ng Mundo sa axis nito. At nang nakauwi
na ako, inabangan ko sa balita ang tungkol sa naganap na lindol. Ang epicenter
daw ay doon pa sa General Nakar, Quezon ngunit ang intensity nito ay naramdaman
pa pababa sa Metro Manila at Southern Luzon. At dahil ang VABES at ang katabing
PCSHS ay malapit na malapit na sa boundary ng Makati at Taguig, naramdaman ang
Intensity III na pagyanig. Pero pagdating naman sa mismong Villamor Air Base at
iba pang bahagi ng Pasay, wala naman daw naramdamang pag-uga ng lupa ang mga
tagarito! Hindi man mapaminsala ang lindol na iyon, maraming maraming salamat
sa awa ng Panginoong Diyos. Amen.
***
Ika-12 ng Nobyembre. Idinaos muli ang taunang Dugong Bombo 2016 ng Bombo
Radyo Network at 102.7 StarFM at ngayong taon, nagbabalik na sila sa suki
nilang venue, ang SM City Manila. Masayang-masaya ako sa araw na ito at ang
maging qualified blood donor uli ngayong taon ay isa nang napakalaking blessing
at ang kawanggawang ito ay dedicated at labis ko nang ipinagpapasalamat sa
Panginoon.
Ramdam ko rin ang inspirasyon mula sa nobena ni St. Jude Thaddeus.
***
Ika-13 ng Nobyembre. Ang huling feature story ng “Kapuso Mo, Jessica Soho”
sa channel 7 ay itong viral online video mula National Geographic Channel
tungkol sa isang na-obserbahang animal behavior sa isang penguin colony.
Mangyari, ang mga penguins, tulad ng mga albatrosses, flamingos, swans, geese,
and cranes, ay mga monogamous for life tulad sa tao (pwera lang sa mga babaero
at lalakero!). Pero may isang peculiar penguin couple ang naging madrama at
napatunayan sa kanilang sarili na walang forever. Ang lalaki ay nagpunta muna
sa karagatan upang manghuli ng isda kaya lang pagbalik niya, nadatnan na lang
niya ang kanyang asawa na meron nang kalaguyo at sa mismong pugad pa nila
na-caught in the act niya ang mga ito. Eh, di nagsabong ang dalawang lalaking
penguin habang pinanonood lang sila ng babaeng pinag-aagawan nila. Maya-maya’y
naantala ang sabong nang humuni ang legal husband ng “mating call” na animo
pinapipili ang asawa niya kung sino sa kanilang dalawa. Subalit ang babae ay
pinili pa ang kalaguyo at ang heartbroken na legal husband ay lalong nagwala sa
galit. Naging madugo ang sagupaan nila ng kalaguyo ngunit ano pa man ang gawin
niya ang ito pa rin ang pinili ng asawa niya.
Madramang buhay-hayop.
***
Ika-24 ng Nobyembre. Sa araw na ito, siguro karamihan sa madla ay
sinimulan ang araw sa panonood ng televised hearing mula Kongreso kung saan
iniharap sa interogasyon ang dating driver-bodyguard at nakarelasyon pa noon ni
Senadora Leila De Lima na si Ronnie Dayan. At ang mamang ito, noong kamakalawa
lang ay “nadakip” daw sa Bacnotan, La Union matapos ng matagal na pagtatago.
Ang dapat sanang paglilitis tungkol sa alleged involvement sa bentahan ng droga
sa Bilibid ay napunta naman sa pag-uusisa at pag-uungkat ng mga d.o.m. sa
Kongreso tungkol sa lovestory ni De Lima at Dayan. Kung ano man ang love affair
na nila noon ay wala na tayo doon, mga d.o.m.! At itong mga d.o.m., let’s say
the acronym stands for ‘defenders of mankind’ na kung makapagsalita ay akala mo
na kung sino nang malilinis upang pumukol ng unang bato.
And the aftermath. Tsismis dito, tsismis doon. Diskusyon dito, diskusyon
doon. Ang lalong panghuhusga sa pagkatao sa kapwa-tao dulot ng mga emosyong
naudyokan at bugso ng damdamin. I am neither a fan of Digong nor De Lima.
Minsan ay nagninilay ako. Ano ba ang impact of this gender issue? Na di bale na
kung ang lalake ang mambabae at lalake naman sila? At kapag ang babae naman ang
nagkasala at nadiin sa kahihiyan dulot ng ilang desisyon niya sa buhay niya,
higit na mabigat ang sasapitin niyang humiliation kaysa sa lalaking nagkasala.
“Blessed are you, when people insult you and persecute you and speak all
kinds of evil against you because you are My followers. ~Matthew 5:11~
Hindi ako nakikisawsaw sa mga mapanghusgang huntahan. Kung totoo man o
hindi ang mga bintang, higit dapat mangibabaw ang pang-unawa; compassion
instead of pity. True justice, not revenge and selfish motives.
***
Ika-30 ng Nobyembre. Sa mismong araw ng kapanganakan ni Gat Andres
Bonifacio, pinarangalan sa Bantayog ng mga Bayani ang 19 na tao na nakilala sa
kanilang pakikibaka noong panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Marcos
lalo na sa panahon ng Martial Law. Merong mga kabataang estudyante, aktibista,
mamamahayag, iba’t ibang propesyon nila kabilang ang galing simbahan. At
kabilang sa kanila ang isang local hero mula Tigbauan, Iloilo na si Fr. Jose
Tangente (†) na maikli man ang naging buhay
ngunit ito’y naging makabuluhan. Kaunti lamang ang nasagap naming impormasyon
tungkol sa kaniya kung sumali ba talaga siya sa kilusang rebelde o isa lamang
siya simpleng aktibistang pari noong Marcos regime na di lang sa loob ng
simbahan naglalagi kundi nakikiisa sa hinaing ng mga marginalized sectors in
the rural communities na kanya ring pinaglingkuran.
Noong ‘60s, ‘70s, at ‘80s, kasabay ng paghahari-harian ng mga diktador sa
maraming Third World countries at kasama doon ang Pilipinas, lumaganap ang
ideolohiyang “liberation theology” sa mga kaparian ng Latin American nations
lalo na dahil sa ginanap na Second Vatican Council. Maganda ang layunin lalo
pa’t ito ay patungkol sa tunay na pagmamalasakit sa mga mahihirap bilang tunay
na magpapalaya sa sambayanan mula sa pagpasan sa kahirapan ngunit ito raw ay
left-leaning with tendencies on socialism if not communism (like Marxism purged
of atheist policies). At malamang, ang impluwensya nito ay umabot hanggang
Pilipinas kaya siguro maraming pari at madre noon ang hindi na nakatiis sa
pagmamalabis ng Batas Militar at ang di-mabubuting epekto nito kaya sila ay
lumabas at na-involve sa maraming social causes and activism kahit pa
paghinalaang NPA sympathizers sila tapos ang ilan sa kanila ay tuluyan na ngang
naging rebelde kahit pa marami sa kanila ay napabilang din sa libu-libong tao
na pinahirapan at sa mga desaparecidos. Well, masasabi ngang ang mga kaso ng
paglabag sa karapatang-pantao noong panahon ni Marcos ay siya ring nagtulak sa
maraming tao lumayo ang loob sa kanya at lalo pang nakibaka laban sa kanyang
rehimen.
Demokrasya, mahal naming demokrasya...
***