Oktubre
4. Kapistahan ni St. Francis of Assisi. Marami akong nasisilayang ibon lalo na
ang mga maya. Maaliwalas ang panahon hanggang gabi at tamang-tama dahil flight
patungong Bangkok ng aming grupo- ako, ang nanay, at tatlo naming kamag-anak na
mga tita at pinsan ko. Actually, first time kong nakapasok sa Ninoy Aquino
International Airport- Terminal 1 at mas lalo rin, ang unang beses kong
makapag-abroad at sa Thailand pa na gusto ko ring mapuntahan noon pa kasi kung
papipiliin ako sa mga Southeast Asian destinations kasama ang Hong Kong at
Macau, ang bansang yun ang trip ko mula nang nakita ko sa aming encyclopedia
ang article tungkol doon, lalo na ang mga templo.
Okey
naman pala sa NAIA-1. Bakit pa tuloy pa rin ang reklamo ng ilang maarte na
kabilang ito sa worst airports in the world? Nang nakapila na kami sa
immigration counters, natunghayan ko mula sa mga bintana nito ang isang
napakagandang sunset sa direksyon ng Manila Bay. Mabilis lang ang short
interview sa immigration at sa wakas, may tatak na ang aking passport na noong
2014 pa ako nag-aplay para dito. Nang nasa passenger departure area na kami,
ang daming pasahero patungong Bangkok. Halu-halong lahi. Yung dalawang
magkatabing mama na nakaupo sa kabilang row ay parehong nagtetelebabad sa cellphone
nila. Isang Pilipino at isang taga-Thailand. Eh, di nagkakarinigan pa ng Bisaya
at wikang Thai. Well, dahil parehong Southeast Asiatic, magkahawig ang mga
Pinoy at mga Thai at kung magkakasama ang mga ito, mahirap i-distinguish
hangga’t hindi nagsasalita. Napakinggan ko na ang wikang Thai sa international
TV channels. Merong distinct tone ang salita nila. At ang hahaba ng mga
pangalan ng mga tao doon. Maraming Thai films na rin ang nai-export sa
Pilipinas bukod sa kanilang Muay Thai kickboxing.
Sawasdee.
Nasa economy class kami ng Thai Airways. Talagang purple or violet na may
saffron yellow accents ang kanilang official colors mula sa logo, pintura ng
eroplano, bahagi ng uniporme ng flight attendants, at pati kumot at sigurado
pati sa airport nila. Kulang na lang ay ang puto bumbong, ube halaya, at hopia
ube ng Eng Bee Tin, hehe! Seriously, ang ganda ng serbisyo sa Thai Airways.
Unang beses ko rin natikman ang Thai cuisine tulad ng green curry chicken with
rice sa inihain nilang onboard meals. Makalipas ng tatlong oras at ilang
minuto, lumapag na sa Suvarnaphumi Airport ang aming Boeing. Nakalulula ang
di-maliparang uwak na paliparan na ewan
ko kung ilang porsyento ang laki nito kumpara sa NAIA. Palalim na nga ang gabi
nang makarating kami doon; ahead nga pala ng isang oras doon sa Pilipinas.
Ang
layu-layo pala ng airport mula sa city proper mismo pero meron kasing
convenient airport link na mala-skyway ang haba. Marami namang masasakyan
patungong syudad. Bilingual na ang mga road signs sa paligid at kahit saan kasi
nga ang Thailand ay isa sa mga nangungunang bansa pagdating sa turismo.
Napansin kong tanging “road” lang ang label nila sa mga pangunahing lansangan
tulad ng Rama IX Road at yung “soi” ay tumutukoy sa mga karaniwang kalsada at
walang ‘boulevard’, ‘highway’, ‘avenue’, ‘expressway’ , ‘drive’,
‘lane’ at ‘street’.
My oh,
my... Bangkok at night. Tahimik na tahimik. First time ko pang nadama ang
pagiging isang foreigner. Maraming salamat sa Panginoon, ang biyahe ay maayos
at banayad.
Oktubre
5. First morning. Nang dumungaw ako mula sa bintana ng aming hotel suite sa may
Soi St. Louis 3 na malapit sa Sathorn Road, kay ganda ng view. Parang nasa
Makati lamang ang kinalalagyan namin. Nandito kami sa ibang bansa ngunit ang
pakiramdam ay hindi nalalayo sa Pilipinas. Yun bang pakiramdam na nagbakasyon
kami sa iba pang lungsod sa probinsya.
Pleasant
weather. Sightseeing tour mula sa aming taxi... hay, ang saya naman! Malilinis
naman sa maraming kalsada at nalilinyahan ng mga puno. Safe and sound. Nagtungo
kami sa isa sa mga pinakakilala at dinarayong temple complex na malapit lamang
sa Grand Royal Palace, ang Wat Pho. Ang official name nito ay Wat Phra
Chetuphon Vimolmangklararn Rajwaramahaviharn. Kamangha-manghang templo lalo na
yung napakalaking Reclining Buddha. Sayang nga lang at hindi ako nakabili ng
kahit isang maliit na figurine nito at may Buddha collection pa naman kami sa
bahay kahit hindi naman kami mga Buddhists. Madalas nga ay ginagaya ko yung
meditative posture ng Buddha ng Thailand. Hindi naman yun lotus position pero
kung di sanay eh, masakit din sa mga binti kapag tumagal nang husto, hehe! I
love Wat Pho.
Sayang at
hindi na kami nagkaroon ng pagkakataong makapunta sa kalapit na Grand Palace at
sa Wat Phra Kaew or Temple of the Emerald Buddha. At mas lalong naghinayang ako
na hindi man lamang nasilayan ang Wat Arun or the Temple of Dawn across the
Chao Phraya River at mula nang nakita ko ang litrato nito sa encyclopedia, yun
din sana ang gusto kong mapuntahan. Well, bumili na nga lang ako ng postcards
at anong malay ko na makakapunta uli ako sa Thailand balang araw.
Ganito
kasi. Noong nasa Bangkok kami, mga ilang linggo na lamang ay naka-schedule na
ang royal cremation para kay King Bhumibol Adulyadej na pumanaw noong nakaraang
taon pa. Kaya pala mula Wat Pho, natanaw ko ang isang lugar sa labas nito na
natatakpan ng mga trapal at merong towering steel structure na tinatapos pang
gawin. Crematorium daw yun. At karamihan sa mga mamamayan ay nakasuot ng itim
bilang paghahanda sa isang solemn state funeral. Siyanga pala, karamihan sa mga
pangunahing lansangan sa lungsod ay nalilinyahan ng mga potted marigolds o
amarillo. Dilaw ang royal color ng bansa. Hindi ko alam kung ano ang local name
nila para sa amarillo pero ito ang madalas na flower offerings sa mga templo at
mga maliliit na shrines. At nabasa ko na national flower din daw dito ang
namumukadkad na golden shower tree.
Si King
Chulalongkorn ang pinakakilalang hari ng Thailand. Subalit sa makabagong
panahon simula noong 20th century at naging constitutional monarchy man ang uri
ang pamahalaan sa bansang dating kilalang Siam, si King Bhumibol ang
most-loved, most popular, and hands-on monarch na pinaunlad ang agrikultura sa
kaharian at nagpapanatili ng pagkakaisa doon sa kabila ng mga napapaulat pa na
magulong political situation at papalit-palit na mga namumunong prime
ministers. Nadisgrasya sa pulitika noon si Thaksin Shinawatra pero para sa
international community, siya pa rin malamang ang pinakakilalang Thai state
leader at para sa mga Pilipino, napagkakamalan siyang look-alike ng iconic
crooner na si Jose Mari Chan.
Nakapag-state
visit na raw noon sa Pilipinas sometime noong panahon ni dating Pangulong
Marcos, ang hari kasama ang kanyang si Queen Sirikit.
Gallery
as a tribute to the king
*******
Dalawang
beses na akong nakasakay sa sikat na sikat na mode of transport ng Bangkok, ang
tuk-tuk. Taxicle kungbaga, hehe! Siyempre, para sa aming mga Pilipino, ang
tawag talaga dito ay tricycle pero ang disenyo nito ay nahahawig sa mga
environment-friendly racal e-trikes na nagsisimula nang dumami at tinatangkilik
na ng commuters tulad ng mga biyaheng Quiapo-Divisoria. Naku, hanggang apat na
pasahero lang talaga ang sakay ng tuk-tuk tapos ako yung ikalima kaya tuloy, sa
sahig nito ako nakaupo at nakakapit ako ng mahigpit kasi nakakatakot minsan at
walang harang sa gilid nito at ang bilis ng pagmamaneho nung mama.
At ang
isa pang pampublikong sasakyan at talaga namang pang-masa ay yung version nila
ng Pinoy dyipni kahit na hindi ganoong kaakit-akit sa totoo lang (sorry, Thai
drivers) pero napupuno rin yun ng pasahero at may mga nakasabit pa sa likuran.
Kadalasan ay mga lumang Nissan pick-up vans na nilagyan ng bubong. Yung isa
pang sasakyang tinatangkilik ng Thai commuters na gustong umiwas sa heavy
traffic ay mga motorbikes kung saan ang mga lisensyadong drayber ay nakasuot ng
tsaleko na may numero samantalang dito sa Pilipinas, habal-habal ang tawag doon
na ipinagbabawal na sa Metro Manila pero pwedeng-pwede naman sa mga probinsya.
Hehe,
nakapaglakad-lakad din kami sa mga kalsada ng notoryus na lugar na ito. Front
lang malamang yung night bazaar dahil ang nagbibigay ng kasikatan sa Patpong ay
ang dinarayong night spots and red light district with the so-called sex
tourism alongside wholesome entertainment naman brought about by ‘lady boys’
and action-packed boxing matches. Tapos sa isang nadaanan naming bar, yung
bouncer ay nagtatawag na sa mga dumaraang turista na ‘ping-pong show’ daw. Ano
yun? Later on, I did a little research... damn it, akala ko table tennis
exhibition games; yun pala, yung ping pong ball ay ihahagis ng kostumer para
mai-shoot sa... ay, di bale na nga! Hihi, kakadiri naman, o!
City
tours. Mainam at bilingual na ang signboards sa mga pampublikong lugar tulad ng
isang ito sa Wat Pho na kahit agaw-pansin ang grammar. Maraming Thai ang
nakakapagsalita na ang English kahit ilang salita o parirala man lang dahil
sanay na sila sa mga turista lalo pa’t ang kanilang bansa ay kabilang sa mga
nangunguna sa turismo sa mundo. Ayon sa lady driver ng taxi na sinakyan namin,
maraming Filipina teachers sa Bangkok at nagtuturo ng English. Madali rin
namang ‘kausap’ ang mga locals tulad na lang kapag may bibilhin ang mga
turista, palaging meron silang dalang calculator lalo na sa tawaran. Minsan nga
ay nakikipag-usap kami in English sa mga tao doon tapos sumasagot sila sa wika
nila nang madalas pero kahit papaano meron pa rin significant na pagkakaintindihan.
“Land of Smiles” daw ang Thailand lalo na sa Bangkok na kahit maraming locals
ang hindi masyadong makapag-English ay sapat na ang mga ngiti nila.
Land/City
of Smiles... I don’t agree much with this title which has been bestowed by the
international community upon Bangkok and the rest of Thailand, honestly. Any
city or country anywhere in the world can be called “land of smiles” be it in
the stressful side of Metro Manila, Kabul, Baghdad, and Darfur as long as the
people, despite the hardships they endure, manage to move on in life with hopes
and dreams and happily wear a sweet smile to brighten up each day, the term
called “joie de vivre”. Marami sa mga napuntahan namin sa Bangkok, hehehe, yung
ilang tao ay hindi rin naman palangiti, eh. Siguro ay stress din sa trabaho
nila at mga di-maiiwasang pag-aalala o suliranin sa pang-araw-araw.
Basta
Thai cuisine, maanghang na marami ang rekado bunga ng Indian influence tulad ng
pad thai, green curry, at tom yum. Kahit yung nasa localized menu ng mga
fastfood chains nila na grabe ang rekado sa fish fillet rice toppings at sa
hamburger! Pero ang traditional Thai cuisine ay malasa at masustansya dahil din
kasi maraming luto sa gulay at mga sahog na herbs. Masasarap din ang mga prutas
sa bansang iyon. Di pa ako nakakain sa isang Thai resto dito sa Pilipinas pero
kilala rin ang mga putahe nila. Pero when it comes to sinigang vs. tom yum
goong? Sinigang pa rin! Saan kaya sa Bangkok ang mga restaurant at karinderya
ng mga Pilipino? Wala nga sa mga malls nila na pulos Japanese and Chinese resto
naman!
Kabilang
din sa mga napuntahan namin ay ang Madame Tussaud’s Wax Museum sa Siam Paragon
na nasa high-end mall complex ng syudad. Exciting ang pumunta doon. Nakatutuwa
ang mga life-size wax figures ng mga kilalang tao mula sa larangan ng politics,
music, arts, science and technology, sports, and showbiz.
Pero
nakukulangan ako sa mga naka-exhibit. Siguro may mga napalitang figures dahil
di naman nagtatagal ang wax, di ba? Wala man lang representative na Pilipino sa
gallery of Southeast Asian state leaders and heroes! Hindi nila kilala si Jose
Rizal! O, siguro, dapat ay iniisa-isa ko ang mga nakahilerang printed biography
with picture ng mga lider ng mga bansa at baka kasama naman pala doon ang
tungkol sa isa man kina Marcos, Cory, o Duterte. At ang isa pang puna na dapat ay inihayag ko
sa feedback kiosk ni “Jim Carrey” sa museum exit ay tungkol sa photo gallery na
ito.
Bakit sa
dinami-dami ng kilalang tao ng 20th century, isinama pa nila ang litrato ni
Adolf Hitler? Kung pwede lang mag-suggest sa may-ari ng museum na ito, sana ang
larawan na lamang ni General Douglas MacArthur o si President Cory na first female
president in Asia. Bakit wala si Saint Pope John Paul II na nakabisita na rin
noon sa Thailand at kay King Bhumibol at kabilang din sa mga
pinaka-maimpluwensyang lider sa kasaysayan? Well, at least , hindi naman
na-bypass si St. Mother Teresa of Calcutta. Mabuti naman.
Bukod sa
MBK mall, nakapamili rin kami sa mala-Divisoria/Baclaran combination ng
Bangkok, ang Chatuchak Weekend Market na halos nasa city outskirts na.
Nakalulula ang lawak ng mga pamilihan at karamihan talaga ay mura basta makapal
ang iyong Thai Baht sa bulsa. Ang dami rin ng aming pinamili lalo na mga
souvenir t-shirts, refrigerator magnets,
keychains at iba pa. Marami rin garments and accessories ang nakakarating din
sa mga pamilihan sa Pilipinas. Lahat ng mga abot-kayang t-shirts na nabili ko
noon sa Liana’s Supermarket and Department Store sa Taft Rotonda dito sa Pasay,
made in Thailand ang mga yun at maganda ang quality.
*******
Oktubre
8. Madaling-araw pa lang at tulog pa ang lungsod, nakapag-empake at nakagayak
na kami patungong airport. Natanaw ko ang maaliwalas na langit at ang
konstelasyon ng Orion. Ang bilis lang ng biyahe papuntang Suvarnaphumi at
mangilan-ngilan pa lamang ang mga pasaherong naka-check in na doon.
Excited
na kaming umuwi sa Pilipinas. Patuloy ang maaliwalas na panahon kahit maulap
pag-uwi namin. Maraming salamat sa Panginoon, ang lakbay ay maayos at banayad
pa rin tulad noong papuntang Thailand. I miss Bangkok agad-agad pag-take off pa
lang ng eroplano ng Thai Airways sa airport. Sana sa muling pagkakataong
makapamasyal uli doon, nais kong mapuntahan ang ilan pang dinarayong templo at
iba pang tourist spot na hindi namin napuntahan dahil ang ikli ng aming
bakasyon doon.