Hey, this
weirdo blogger here is posting about Iloilo summer vacation again after
presenting “Himig ng mga Tigbaw”+”Blue Sky, White Clouds” (May 2012), “This
Weirdo’s Summer Blog” (April 2013), “Ang Bakasyunistang Weirdo sa Tigbauan,
Iloilo” (May 2014), at “Nasaan ang Talahiban sa Tigbauan” (May 2016). But this
blog post is not just about our family vacation in Iloilo but also has
something to say about Talisay City, Negros Occidental and one of my #travelgoals
Minalungao, Gen. Tinio, Nueva Ecija. Hoping to get to more new places soon.
Abril
26-27. Unang beses naming sinubukan ang sumakay sa 2GO patungong Caticlan na
tinatayang walong oras ang paglalayag; di tulad nga noong bus+roro pa ang
sinasakyan namin kung saan merong land travel pa sa Oriental Mindoro. Sumakay
muna kami sa Jam Transport dito sa Pasay hanggang Port of Batangas. Makalipas
ng 16 na taon ay muli akong nakasakay sa isang malaking barko na ang pangalan
ay M/V St. Ignatius of Loyola. Wow naman, nitong Holy Week ay pinanood ko ang
“Ignacio de Loyola” at matagal na akong familiarized tungkol sa nabanggit na
santo at fascinated din ako sa mga Jesuits. Sayang nga lang at hindi ako
nakagala sa barko dahil ang paglalayag nito ay sa gabi, sa oras ng pagtulog ng
mga pasahero. Kinabukasan ay nakadaong na sa Caticlan Jetty Port ang St.
Ignatius. Kapansin-pansin ang malaking kabawasan sa ingay at sigla sa pantalan
hanggang sa mismong town proper ng Malay, Aklan sapagkat simula Abril 26 ng
taong ito ay ipinasara ang Boracay upang isailalim sa rehabilitasyon matapos ng
matagal na panahon na pagkasalaula sa kamay ng mga iresponsableng negosyante,
residente, at turista.
Sumakay
naman kami sa isa pang bus at umabot ng halos buong araw ang biyahe ng Ceres Transport
sapagkat kada madaanang bayan ay nagsasakay o nagbababa ng mga pasahero tapos
meron pang stopovers para sa pananghalian o di kaya’y CR break. Gayunpaman ay
nakalilibang panoorin ang mga luntiang bukirin sa Antique palibhasa ay marami
ang ilog at sapa doon para sa irigasyon kahit kalagitnaan pa ng tag-init.
Takipsilim na na nang nakarating kami sa Tigbauan, Iloilo. At sa unang gabi ng
aming bakasyon na umabot ng dalawang linggo, muli akong nakapakinig ng huni ng
mga tuko. Maraming salamat sa Panginoong Diyos, ang aming bakasyon sa probinsya
ngayong taon ay naging masaya!
San Juan de Sahagun, patron ng Tigbauan (courtesy of Wikipedia)
Bago na
ang hanging bridge sa ilog ng Tigbauan. Kaya lamang, tulad ng ilan sa aking naihayag
sa blog post ko noong Mayo 2016 na “Nasaan ang Talahiban sa Tigbauan?”, sana
ang local government ay nag-invest sa isang simple ngunit matibay na konkretong
tulay para na rin sa kapakinabangan at progreso ng mga pamayanan sa magkabilang
pampang ng ilog. Maalog ang tulay at paano kung matulad ito sa mga naunang
hanging bridge na lumundo di-naglaon sa maya’t maya’y ba namang pagsampa at
pagdaan ng mga habal-habal na motorsiklo? Dumarami rin ang mga kabahayan sa
tabing-ilog. Yun nga lang, ang ilang tao ay ginagawang tapunan ng basura nila
ang mismong paligid ng mga bahay nila o di kaya’y ihahagis nila malaki man o
maliit na kalat sa bakuran o lupain ng ibang tao. Tapun lang sila nang tapon ng
mga plastik na bote samantalang pera ang katumbas ng mga ito lalo na dito sa
Metro Manila. Siyempre, ang pinakaapektado sa pagsasawalang-bahala ng maraming
tao ay ang ilog, kabilang sa “lifeblood” ng Tigbauan na sa kasamaang-palad ay
natutulad na sa mga ilog ng Metro Manila at iba pang lungsod. Gustung-gusto ko
ang mga tanawin sa ilog na ito tuwing magdadapithapon na at doon sa may bukana
nito kung saan sumasalubong ito sa dagat.
Sana,
matuto ako lalo na i-practice what I preach. Doon sa bahay namin sa Tigbauan,
paano ako makapanghikayat ng waste segregation? Aba, aba, may nabasa akong
article na doon sa Villar Sipag Foundation, bukod sa recycling, meron silang
facilities kung saan iniimbak ang mga nabubulok gaya ng pinagbalatan ng prutas
at gulay at kahit mga winalis na mga dahon at sanga; makalipas ng ilang buwan,
meron na silang saku-sakong compost na isinusuplay pa nila sa mga magsasaka
bilang organic fertilizer. Sana, ang local government ay magtatag ng major
eco-friendly recycling facility ng munisipalidad (dahil di palaging solusyon
ang landfills) at mga epektibong environmental programs nang sa gayon ay
mapagtanto ng mga mamamayan na kaysarap palang mamuhay sa malinis at maayos na
kapaligiran at disiplina nga ang kaagapay ng kaunlaran.
*******
Sa
Tigbauan ko rin napanood itong isang kakaibang religious tradition na tipong
pre-Vatican II at kadalasan ay higit na ino-observe sa mga bayan-bayan sa mga
probinsya. Sad to say, malaking katanungan kung ipagpapatuloy ba ito ng mga
bagong henerasyon. Kakaiba talagang tradisyon na hindi naman bizarre sapagkat
nagtataglay ito ng simbolismo at paalala ng pananampalataya tulad ng
Panunuluyan tuwing Pasko, Flores de Mayo o ang debosyon sa Santo Niño. Hindi ko
natanong kung ano ang opisyal na katawagan sa tradisyon ngunit tawagin ko muna
sa ngayon na “Cofradia de San Jose” na wala namang kinalaman kay Hermano Pule o
sa Bundok Banahaw. Noong Marso at Mayo 1 pa ang feast days ni St. Joseph; ang
ikalawang petsa ay in solidarity with Labor Day at patron din siya ng mga
manggagawa. Ganito yung cofradia- meron tatlong katao mula sa indigent families
ang napili upang mag-costume at gumanap na Sagrada Familia habang umaawit ng
ancient Latin hymns ang mga hermanas. Pagkatapos ay susubuan ng iba’t ibang
kakanin ang mga nagsiganap... SusMarYosep! Busug na busog na sila bago pa
matapos ang pagkanta na animo tulad ng Pabasa noong Semana Santa. Pagkatapos ng
Holy Family symbolic meal, magmamano sa kanila ang mga nagsipanood at unang
beses akong nakapagmano sa isang batang lalaki at isang dalagita at doon sa
mama na di ko kilala! Ngunit nakatanggap din sila ng donasyon bilang
tulong-kabuhayan din sa kanila at ang tradisyong ito ay may intensyon din ng
kawanggawa.
*******
Garin
Farm, San Joaquin, Iloilo. Kailangang sulitin ang entrance fee ng bawat bisita
dito lalo pa’t tatlo ang pangunahing places of interests dito- agricultural
area with animal husbandry, leisure parks with cottages para sa mga gustong
mag-overnight stay, at ang highlight ng dinarayong farm na minsan nang
na-feature sa “Kapuso Mo, Jessica Soho”, ang Pilgrimage Area. Ang angkan ng mga
Garin na kilala sa pulitika sa Iloilo ay napakayaman talaga... at
kontrobersyal. Ewan, di naman ako taga-Iloilo at mas lalong di ko kilala nang
personal ang mga taong iyon. Subalit habang nagmumuni-muni ako sa Green Tunnel
hanggang sa burol kung saan merong life-size figures na hango mula sa Bibliya
at mga Mysteries of the Rosary, isipin din natin ang malaking tulong ng farm sa
turismo ng lalawigan at may hanapbuhay pa ang mga tao. Sinasabing madalas din
daw nagsasadya doon at nakikihalubilo sa mga taong namamasyal ang nasa likod ng
obra maestra na iyon, si Ka Oca Garin na matagal din naging alkalde ng
munisipalidad ng Guimbal.
Ang dami
talagang bisita sa farm noong araw na iyon nang namasyal kami doon pero
naulinigan ko pa ang pangingibabaw ng Tagalog sa halip na Karay-a o Hiligaynon.
Sayang nga lang at nakarating kami doon nang hapon na kaya di masyadong
nakagala; gusto ko pa namang isa-isahin ang mga makikita sa agri area at wala
akong pakialam sa masangsang na amoy sa kulungan ng mga alagaing-hayop pero di
bale at sa ibang pagkakataon na lamang. Ihayag ko nga dito ang aking mga
mungkahi sa pangasiwaan ng Garin Farm: sana ay gawin nila mas eco-friendly pa
at mahigpit na paalalahanan ang mga panauhin tungkol sa pagpapanatili ng kalinisan
ng kapaligiran; nang dumating kami doon, sa entrance pa lang ng farm ay makalat
na. At saka, organic farming ba ang kanilang adbokasiya?
Naiiba
talaga doon sa Pilgrimage Area hanggang sa mismong tuktok ng burol, ang “vision
of heaven”. Meron pang mama na nag-propose ng kasal sa ale kaya ang date nila
doon ay naging napaka-memorable. Wala akong napansing chapel sa farm. Kaya lang
sa isang bahagi ng burol, meron akong nakitang mga tuod ng malalaking puno na
hindi ko alam kung sadya bang ipinaputol nang ipinagawa ang “langit”.
Samantalang doon sa Guimbal (na tatalakayin din sa mga sumusunod na sanaysay ng
blog post na ito), meron doon napakalaking puno ng akasya na hindi ibinuwal
kahit nag-road widening pa.
*******
Leon,
Iloilo. Kabilang din sa pinakamagagandang plaza sa bansa ang mapapasyalan sa
munisipalidad na ito na nasa hilaga ng Tigbauan; nature-inspired, eh. Medyo
hindi ganoong ka-alinsangan dito dahil upland area na. Ang Tigbauan kasi,
bagamat coastal town ay isang napakalawak na kapatagan na may ekta-ektaryang
bukirin na ang tanawin ay mala-Nueva Ecija pati ang pakiramdam tuwing panahon
ng tag-init ay parang sa Cabanatuan, hehe! Pero pagdating sa marikit na bayan
ng Leon, di nga naman nakapagtatakang doon matatagpuan ang tinaguriang “Summer
Capital of Iloilo”, ang Bucari na parang little Baguio sa dami ng pine trees sa
bulubunduking bahagi nito at maginaw tuwing gabi but at the same time, meron
pang mango orchards sa paanan nito. Sana sa susunod na bakasyon ay makapunta
kami doon.
*******
Guimbal,
Iloilo. Enero pa ng kasalukuyang taon nang napanood ko sa KMJS sa channel 7
itong isang feature tungkol sa hindi naman pala nakagigimbal na tanawin sa
bayan na kasunod ng Tigbauan. Kung ang Quezon City ay merong urban legend ng
tungkol sa “Babae sa Balete Drive”, ang Guimbal ay nagpakilala ng isang moderno
nang alamat ng mga tag-lugar (nature spirits) na pinangungunahan ng “white
lady” sa tinaguriang “Vanishing Mansion of Acacia Drive”.
Nang
kinapanayam, nagpaliwanag ang mayor ng bayan ukol doon. Ang “vanishing mansion”
local folklore ay para raw maligtas ang higanteng puno ng akasya mula sa road
widening kaya nga pinabakuran ang paanan nito, naka-landscape, at may istatwa
pa ng “white lady” of Guimbal na mistulang nagpapara sa mga dumaraang sasakyan
at mga turista para mag-stopover para sa picture-picture. At isa pang paliwanag
tungkol sa ‘kababalaghan’ ay para rin mapaalalahanan ang mga motorista na
magdahan-dahan at mag-ingat sa pagmamaneho lalo pa’t ang lugar na iyon ay
school zone pa. Buti pa yung puno ng akasya nila nakaligtas samantalang sa
ibang mga lugar sa bansa walang habas ang pagbuwal sa mga puno sa
tabing-kalsada dahil nakakasagabal daw, tsktsktsk! Kailangan ba talaga ang
malawakang road widening at magputol ng mga puno kung hindi naman nakararanas
ng mala-Metro Manila traffic sa ilang pook sa bansa?
Ang
liwasang-bayan ng Guimbal ay isa sa mga pinakamaganda talaga sa Pilipinas!
Sagisag ng bayan ang papasikat na raw at makikita ito bilang decorative part sa
mga gate at bakod ng mga kabahayan at gusali na patungo sa town proper. Meron
ba namang slogan na “Guimbal, Our Little Hometown: The Town of the Rising Sun
and Sons” doon sa may sunken basketball court sa dulo ng plaza; paano naman ang
mga Daughters?
*******
Pagpanaog
mula sa ro-ro ng Montenegro Shipping Lines na naglayag galing Port of Dumangas
sa Iloilo hanggang Bacolod City, sa wakas ay nakarating na ako sa Negros
Occidental. Ang pinuntahan kasi namin ay doon pa sa susunod na lungsod, ang
Talisay kung saan sa gitna ng mga di-maliparang uwak na mga plantasyon ng tubo,
matatagpuan ang usap-usapan noon pa man na “The Ruins” o sa official name
nitong “Don Mariano Ledesma Lacson Mansion”. Noon ko pa batid ang tungkol sa
Ruins na napanood ko sa TV at nabasa sa mga diyaryo. Hauntingly romantic ang
dating marangyang mansyon sa totoo lang na bukod sa bakas ng walang kapantay na
kagandahan nito noon, ang arkitektura at istraktura nito ay nakamamangha ang
tatag bagamat guho na lamang ang natira sa “balay ni Anoy”.
Ayon sa
isang newspaper feature, ito raw ang “Taj Mahal of Negros” sapagkat ipinatayo
ito ni Don Mariano para sa kanyang yumaong asawang Portuguese na si Maria Braga
at marami nga silang anak. Kahit sinong panauhin ay mai-imagine talaga kung
gaano ka-engrande ang mala-palasyong bahay noong panahon ng mga Amerikano. Kaya
lamang noong 1942, World War 2 na noon, ang mga USAFFE na di-naglaon ay naging
mga gerilya ay sinunog ang mansyon upang hindi ito gawing garison ng mga
Hapones. Malamang nga ilan sa mga dating sakada na nagtrabaho sa hasyenda ng
mga Lacson ay di-naglaon naging mga Huk. Nabasa ko noon sa HEKASI 5 textbook
namin na major target rin ng mga Hapon ang mga tubuhan sa bansa dahil sangkap
daw ito sa gasolina para sa mga sasakyan nila. Pagkatapos ng giyera, nakabangon
pa rin ang angkan ng mga Lacson ngunit ang kanilang tanyag na balay ay hindi na
muling bumalik sa dati nitong glorya. Sa paglipas ng mga panahon, pinalibutan
ito ng mga tubuhan hanggang sa sumapit ang panahon nang ang mga descendants ng
angkan ay naisip na muli itong buhayin ngunit sa iba nang anyo na bukas na sa
publiko at bilang isa sa mga pinakapopular na tourist destination sa
Negros.
Sa totoo lang ay may biases ako sa mga
haciendero lalo na ang mga di-makatwiran kung makitungo sa kanilang mga
manggagawa at nasasakupan. Typecast din ang mga characters na ito sa mga
melodrama at pelikula na kadalasan ay mga sakim at matapobreng landowners na
ang mga anak ay di maaaring umibig sa mga di nila kauri. Well, hindi naman
lahat ng haciendero ay mga tipong hindi marunong tumuntong sa lupa. Wala naman
akong nababasang articles kung anong klaseng sugar baron si Don Mariano basta
siya’y descended mula sa mga rebolusyunaryong taga-Iloilo noong panahon ng mga
Espanyol, ubod ng yaman at matagumpay sa kanyang mga negosyo, at merong
napakaraming sakadang naglingkod sa kanya. Mas familiarized pa ako sa isa
niyang anak na naging gobernador noon ng Negros, si Rafael Lacson na ayon sa
mga historians at personal accounts din ng mga nakakakilala sa kanya, ay isang
malupit na pulitiko-hasyendero na namayagpag noong 1950s at panahon ng
panunungkulan ni Pangulong Elpidio Quirino. At umabot sa sukduklan ang kanyang
di-kanais-nais na reputasyon nang siya ang itinurong nagpahirap at nagpapatay
kay Moises Padilla, isang bayaning war veteran na tumakbo sa eleksyon nang mga
panahong iyon at hindi naman niya kapartido at sumasalungat sa kanyang
pagmamalabis sa Negros. Humingi ng tulong ang ina ni Moises kay Ramon Magsaysay
na noo’y Defense Secretary. Kaya lang pagdating nito sa Negros upang iligtas
ang kaibigan, huli na ang lahat. At noong naging Pangulo si Magsaysay, ang mga
salarin sa pagpatay kay Padilla ay pinarusahan subalit hindi napabilang sa mga
ito si Lacson; may mga ginawa sigurong paraan para makalusot ang isang iyon.
Ang bayan ng Magallon kung saan nagmula si Moises Padilla ay ipinangalan sa
kanya bilang parangal at alaala ng kanyang martyrdom. Noong 1961, ang Gerardo De Leon-directed biopic tungkol sa kanya ay ipinalabas kung saan ang gumanap ay si Leopoldo Salcedo at si Joseph "Erap" Estrada ang gumanap na kontrabida doon (what?!). Sana ay mapanood ko sa movie channels ang "The Moises Padilla Story".
Isa pang
dinarayong destinasyon sa Talisay ang aming pinasyalan, ang “Campuestohan
Highland Resort”. Kabundukan na nga ang lugar na iyon at ekta-ektaryang tubuhan
at farms na may bara-barangay ng sabunging manok na inaalagaan ang aming
nadaanan. Subalit pagsapit sa Campuestohan, nakabibighani ang mga mala-Tagaytay
na tanawin. Maraming turista ang nahuhumaling sa napakalawak na unique resort
na iyon sa totoo lang.
*******
Huling
hirit na sa tag-init ang aming trip to Minalungao National Park, the lovely
crown jewel of Nueva Ecija at matatagpuan sa Barangay Pias, Munisipalidad ng
General Tinio. Buong araw ay maaliwalas ang panahon sa aming paglalakbay
pahilaga. Ang saya namang mag-sightseeing sa Bulacan. Kabilang sa aming
nadaanan along the Maharlika highway ang “Bahay na Pula” ng San Ildefonso bagamat
natanggal na ang mga dinding ng ikalawang palapag at matagal nang panahon iyon
abandonado lalo pa’t ginawa iyung garison ng mga Hapones noong giyera kung saan
maraming kababaihan ang sapilitang dinala doon upang pagsamantalahan; hence,
the house of the comfort women. Ang naturang bahay, kapag pinagmasdan mula sa
malayo ay mistula ring sumisigaw ng katarungan.
Paglampas
sa San Miguel, bubungad na ang malalawak na bukirin ng Nueva Ecija. Pagsapit sa
Gapan na crossroad na ng probinsya patungo sa iba’t ibang bayan, kumanan na ang
aming ruta patungong Peñaranda at pagkatapos ay Gen. Tinio na. Ang layu-layo ng
aming nilakbay hanggang sa marating namin ang Minalungao na napupuno na nga ng
mga sasakyan dahil sa dami ng mga turistang dumayo doon upang mag-piknik at
lumangoy sa malinis na ilog at nakamamanghang rock formations na kahawig ng sa
Montalban sa Rizal o yung limestone cliffs sa Coron at El Nido, Palawan. Yun
nga lang, medyo kulang pa sa ilang facilities ang Minalungao lalo na ang mga
shower areas at c.r. at marami pa namang turista.
Ang
saya-saya naman ng outing namin doon. Kaya lamang, naging matigas ang ulo ko.
Nagkalat ang mga paalala sa bungad ng ilog na magsuot ng life vest palagi. Ang
kulit-kulit ko! Masyado akong nagpakasaya sa paglalaro sa ilog. Tapos nang
sinubukan kong lapitan yung malaking bato sa gitna ng ilog na ginagawang diving
board ng ilang tao, bigla na lang lumalim para sa akin ang tubig na para bang
wala na akong matapakan hanggang sa muntik na akong malunod. Maraming salamat
sa Panginoong Diyos, maagap ang aking mga kasama upang ako’y sagipin. Pagpalain
nawa sila palagi ng Panginoon at pati ang Minalungao. Hindi na bago sa akin ang
mga balitang iyon tungkol sa mga nalunod sa ilog na karamihan daw ay mga lalaki
na nakainom; pinaniniwalaan pa ng maraming tao na mahiwaga ang ilog at ang mga
mabatong bangin sa magkabilang panig nito sapagkat bago pa i-develop para sa
turismo, may mga kakaibang elemento raw ang mga nananahan doon. Talagang sa
paligid ng mga rock formations ay kantilado at malalim talaga. Nang malayo na
mula sa panganib, bumalik ako doon sa may patung-patong na malalaking tipak ng
bato na paborito kong pwesto sa ilog at kung saan nakatali ang aming floating
cottage. Mababaw lang doon at sana, doon na lang ako naglagi. Pagkatapos
magdasal, lumublob ako muli sa ilog upang mag-antanda ng krus habang nakalubog sa tubig nito.
Na-guilty
rin ako nang araw na iyon dahil pinag-alala ko nang husto ang aking mga kasama.
Kaya nga, pagbalik namin sa town proper, nag-stopover kami sa Sto. Cristo
Parish upang mag-thanksgiving prayers. Puno ako ng pasasalamat nang araw na
iyon. At kung may pagkakataon muli na makapamasyal ako sa Minalungao, hindi na
ako magiging makulit at pasaway sa pagtanggi sa pagsuot ng life vest. May mga binili rin
kaming souvenirs at kabilang ang isang t-shirt na yung design ng logo ay hango
sa malaking bato na iyon sa ilog kung saan muntik na akong malunod. Pagkatapos,
nang ni-review ko ang mga kuhang litrato sa camera, nalungkot ako nang makita
ang dalawa kong selfie na ang background pa naman ay ang parehong bato rin.
Ngunit may na-realize ako. Kapag makita ko ang mga litrato ng batong iyon at
ang logo design nito, hindi dapat umiral ang takot o trauma; sa halip,
magsisilbi iyung alaala ng katigasan ng ulo ko at kabayanihan naman ng aking
mga kasamahan sa masayang araw na iyon sa Minalungao.