Ika-2 ng Abril. Pagtatapos 2019 sa Villamor Air Base Elementary School at ginanap ito sa covered court doon. Masaya naman ang kaganapan gaya taun-taon. Mangilan-ngilan man ang mga batang nagtapos na hindi nag-atubiling lingunin ako at binati ko sila, masayang-masaya na ako at kumpleto na ang aking araw sapagkat tao pa rin ang tingin nila sa kanilang dating AP titser noong grade 5 pa sila. Siguro unawain ko na lang yung ibang kabataang malamang ay natitimang sa hiya na lumingon man lang at suklian ng masayang ngiti ang mga dating guro nila. Kay sayang pagmasdan ang mga nagtapos na mag-aaral sa kanilang pagmartsa at pagtanggap ng kanilang sertipiko at medalya.
Abril 16. Martes Santo at araw ng pasasalamat para sa akin. Hindi ko na pinoproblema ang edad ko basta pinili kong maging masaya at masiglang bata. Dito sa bahay, wala namang salu-salo at ayos lang yun. Ang paraan ko kasi ng selebrasyon ay visita iglesia, Stations of the Cross, kawanggawa, at ang mga detalye tungkol dito ay ang Panginoon na ang nakababatid.
Nitong Semana Santa, ang dami ko rin napanood sa TV lalo na sa GMA-7. Nariyan ang Disney animated film na "Beauty and the Beast" kahit na saulado ko na ang kwento buhat pa noong grade 3 ako; ang ganda kasi eh! Pinanood ko rin ang #MichaelAngelo the Holy Land Special kahit paulit-ulit ang komersyal pero makabuluhang programa. Hay, kailan kaya ako makakasama sa isang pilgrimage doon? Naroon din ang documentaries na "Hesus" at "Women of the Bible" pati "Mighty Yaya". Pero ang pinakasinubaybayan namin ay ang live telecast ng Siete Palabras mula sa Sto. Domingo Church nitong Biyernes Santo. Siyanga pala, ang Good Friday ang isa sa mga pinakapayapang araw sa buong taon. Hindi naman ito araw ng kalungkutan kundi araw ng mapagmahal na paggunita sa dakilang sakripisyo ng Panginoon para sa sangkatauhan. Lumipas ang Sabado de Gloria, Linggo na ng Muling Pagkabuhay! Ito, kasama ang Pasko, ang mga paborito kong mga araw sa buong taon. Maraming salamat sa Panginoon. Amen.
Abril 22. Maaliwalas ang panahon at masigla as usual sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3. Hay, delayed na naman ang flights kaya habang naghihintay, bumili ako doon ng Inquirer. Kabilang sa maiinit na pandaigdigang balita ay ang malagim na Easter Sunday bombings na ikinamatay ng maraming tao habang nasa mga simbahan at hotel sa Sri Lanka at hinala ng mga awtoridad ang anggulong suicide bombing ang gumawa gaya ng nangyari sa Jolo Cathedral noon. Tsktsktsktsk! Ang Panginoong Diyos na ang bahala at huhusga sa mga salaring gumawa ng ganoong mga kalupitan sa sangkatauhan.
Maganda naman talaga ang panahon nang araw na iyon kaya lang parang may kakaiba. Nag-uusyoso ako sa mga nadadaanang tindahan nang biglang may kung anong humihila sa tiles ng sahig na inaapakan ko. Hanggang sa napansin kong umaalog na ang mga nakadisplay na paninda at narealize kong lindol na pala yun! Ngunit kahit na ramdam na ramdam ang pagyanig, nanatili pa rin kalmado ang mga tao sa airport. Nalaman na lang ng lahat na ang epicenter ay sa Zambales at maraming naitalang pinsala sa Pampanga. Kaya pala delayed ng ilang oras pa ang flights lalo pa't apektado rin ang Clark airport. Nakababahala man subalit higit dapat mangibabaw ang pasasalamat sa Panginoon. Ayos pa rin dito sa airport at sa Villamor Air Base kung saan naramdaman din ang pagyanig.
Pasado alas diyes na ng gabi nang nagpasakay na ang Cebu Pacific papuntang Iloilo. Parang mas mabilis ang flight nang gabing yun at malamang babalik pa ang parehong eroplano sa NAIA upang magsakay ng second batch ng mga pasahero. Bago mag-alas onse ay nakalapag na sa Iloilo Airport ang sinakyan naming eroplano. Maraming salamat sa Panginoon, nakarating din kami sa Tigbauan, Iloilo para sa aming masayang bakasyon. Napakinggan ko muli ang huni ng mga tuko.