Ika-4 ng Agosto. Pagkagaling ko mula City University of Pasay, nagpunta
ako sa Maynila. Sinubukan ko uli ang dyip at hindi muna ang LRT. Ang tagal ng
biyahe pero para rin itong trip down memory lane lalo na nang dumaan kami sa
Philippine Women’s University. Nag-aral din ako ng isang semestre doon; Fine
Arts pa kaya lang ang kursong iyon ay di naman para sa akin kahit na mahilig
din ako sa sining. Mahirap din maging impulsive sa mga pagpapasya gaya ng pagpili
ng kurso pagsapit ng kolehiyo yet everything happens for a reason. Para sa akin
ay hindi nasayang ang panahon at salapi noon sapagkat may mga natutunan din
ako- mga aralin sa mga subjects, buhay-kolehiyo kahit wala naman akong barkada,
at sa ilang lugar sa Maynila mismo.
Pagtapat ng dyip sa Philippine General Hospital, pumara na ako doon. Wala
naman akong dadalawing pasyente doon; ang bibisitahin ko ay ang mismong
ospital. Kaweirduhan man ito para sa karamihan sa mga tao, wala naman akong
pakialam. Nagtagal ako sa niri-renovate pang Immaculate Conception Chapel.
Dapat sana’y pupuntahan ko rin ang Ermita Church kaya lang hindi ko mahanap ang
Padre Faura exit gate ng hospital compound kasi merong construction site doon
at hindi na ako tumuloy talaga dahil natanaw ko ang madilim at makulimlim na
langit at baka maabutan ako ng malakas na ulan. Sa totoo lang nakakalito sa
loob ng PGH lalo na doon sa may mga lumang gusali na lampas ng parking lot at
mga abandonadong ward na ginawa nang bodega ang ilan; wala na nga halos
nagagawing tao doon pero hindi ko na lang pinairal ang takot kahit na parang
iba rin ang pakiramdam; hindi naman ako nag-ghost hunting at baka
mapagbintangan pa akong nagti-trespassing. Marami rin kasing pinagdaanan itong
PGH sa kasaysayan.
*******
Ika-5 ng Agosto. Nagsimba kami sa Misa sa Our Lady of Loreto Chapel sa
loob ng Col. Jesus Villamor Air Base at ang Gospel reading ay tungkol sa
Panginoon bilang Tinapay ng Buhay, ang Eucharist. Pagkatapos ay napaisip ako-
ang mga ex-Catholics na yun ba na nilisan na ang Simbahan at naging “Christian”
na raw sila as they claimed themselves to be, hindi ba nila lubos na dinama ang
pag-ibig ng Panginoon Hesu-Kristo noon nang nasa Catholic Church pa sila?
Kailangan ba talaga nilang umanib sa ibang religious affiliation na nagki-claim
na mas makikilala raw si Jesus sa kanilang masisiglang worship service and
in-depth Bible study kaysa sa mga seryoso at makalumang tradisyon at liturhiya
ng Banal na Misa lalo na ang Eukaristiya? May mga nabasa nga pala ako sa mga articles
gaya ng “Why I Love Being Catholic” ni Bro. Bo Sanchez na may ilang staunch and
brilliant Christian preachers na mula sa non-Catholic churches ang napaulat na
naging mga Katoliko na; sila ay naging Roman Catholics na sa wakas hindi dahil
sa proselytization o kung anumang human influence kundi dahil sa enlightenment
ng Holy Spirit lalo na ang patungkol sa Misteryo ng Banal na Eukaristiya na
higit pa nilang inunawa at pinahalagahan tulad ng sinabi ng Panginoon sa huling
hapunan “...gawin niyo ito bilang pag-alaala sa Akin”.
*******
Agosto 21, ika-35 anibersaryo ng kamatayan ni Ninoy Aquino at ngayong taon
ang Islamic Feast of the Sacrifice, ang Eid’l Adha, ay tumapat din sa petsang
ito. Sana balang araw ay mapuntahan ko yung Bantayog ng mga Bayani sa Quezon
City.
Isang nakaririmarim na by-product ng irresponsible use of social media ang
history revisionism. Ayon sa mga kinauukulan, sadyang may mga bayarang trolls
na ignorante sa katotohanan at mas pinipili pa ang kasinungalingan na
ipinapalaganap ng mga ito. Kabilang sa target ng mga history revisionists ay si
Ninoy; bagamat namayapa na ay tuluy-tuloy pa rin binibira ng online libel.
Revisionism is just the same as fake news. Yun nga lang, napakaraming netizens
ang madaling magpaniwala o magpa-uto nang hindi muna inaalam ang authenticity
ng mga binabasa o sini-share na posts sa social media.
*******
Ika-25 ng Agosto. Buti na lang at hindi maalinsangan o maulan sa araw na
ito. Sa wakas, natuloy na ang matagal ko nang planong magtungo sa San Juan City,
puso raw ng Metro Manila. Inaral ko rin ang road map ng naturang lungsod lalo
na doon sa Pinaglabanan; naitago ko pa rin ang lumang PLDT Diretory namin.
LRT-1 hanggang Doroteo Jose tapos lakad sa walkway hanggang LRT-2 Recto.
Pagpara sa J. Ruiz Station, ang layo ng nilakad ko. Hindi ko kabisado ang
public transport sa San Juan at medyo napraning ako na baka kasi kapag pumara
ako ng traysikel at nagkataong mukhang-pera ang drayber nito (gaya ng ilan dito
sa Villamor, hehe!) tapos mahalata na dayo lang ako sa San Juan, baka maningil
yun ng sobra pa sa special fare at hindi ko pa naman alam ang fare matrix doon;
hindi naman sa iniinsulto ko ang mga TODA sa San Juan at naniniwala akong higit
pa rin nakararami ang mga tapat na drayber doon na ikinararangal ng kanilang
lungsod. Eh di ang layu-layo ng nilakad ko. Hindi naman talaga nakakapagod kasi
nakapag-explore pa ako sa ilang kalsada sa San Juan. Medyo makitid na mga
liku-likong kalsada pero sa palagay ko sa lungsod na ito, mas marami pa ang
mayayaman at maykaya. At saka tahimik sa maraming lugar.
Sa wakas, pagtanaw ko sa Pinaglabanan Memorial Marker, alam kong malapit
na ako sa aking mga sasadyain. Paglampas ng marker, lakad-lakad pa at narating
ko na ang ‘revolution-period church’, ang St. John the Baptist Cathedral
sapagkat ayon sa historical marker nito, itinayo raw ito noong 1896; siguro
ilang buwan bago ang Unang Sigaw sa Balintawak/Pugadlawin. Visita iglesia and
historical pilgrimage ang hatid ng Pinaglabanan! Ang ganda ng simbahan at ako’y
nakadalaw sa Adoration Chapel nito at pagkagaling sa simbahan, tinawid ko na
ang patungong San Juan City Hall na kalapit na ng Pinaglabanan Memorial Shrine
at isang magandang liwasan kung saan ang daming namamasyal. At nasa kabilang
dulo nito ang Museo ng Katipunan. Tamang-tama at malapit na ang National Heroes
Day.
Malapit nang mag-alas kwatro ng hapon at magsasara na sana ang museo lalo
pa’t wala nang bisita pero pinakiusapan ko ang curator na taga-Pasay pa ako at
mabilis lang akong titingin doon sa mga exhibit. Sayang at kung hindi lang sa
pagmamadali ay ninamnam ko pa sana ang pamamasyal doon at mabasa ang mga akda
nina Andoy at Oryang- sina Gat Andres Bonifacio at Gregoria de Jesus. Pati ang
mga akda rin sana ng best friend nilang si Emilio Jacinto tulad ng Kartilya at
yun isang tula niya na nagpapahiwatig ng feminismo o pagpapahalaga sa mga
kababaihan na bihira sa kanyang kapanahunan sapagkat sa palagay ko mismong ilan
sa ating mga bayani ay nagtataglay pa rin ng kolonyal na pamana ng machismo
mula sa mga Espanyol; bakit, sa Unang Republika pa lang hanggang sa bago
mag-Commonwealth, ang pulitika at pamahalaan ay tila mundo pa rin ng
kalalakihan, hindi ba?
Nilubos ko ang pamamasyal sa museo. Kaakit-akit ang mga myural at iba pang
paintings tungkol sa Katipunan at mga Katipunero at Katipunera. Agaw-pansin din
ang mga naka-displey doon na mga anting-anting at agimat ng mga Katipunero.
Ayon sa historian na si Prof. Ambeth R. Ocampo sa kanyang “Looking Back”
volumes, ang mga naturang bertud ay hindi man nag-garantiya ng bullet-proof
protection, nagsilbi pa rin itong inspirasyon upang lakas-loob pa rin lumaban
ang isang makabayang Pilipino upang isulong ang kalayaan ng Inang Bayan.
Actually, ang mga anting-anting na iyon pati ang ‘mahiwagang kamison’ ni
Macario Sakay, gaya ng Balangiga Bells, ay itinuring pang war booty ng mga
Amerikano na inuwi nila buhat sa nilahukang Filipino-American war. Sana,
makapunta uli ako sa Museo ng Katipunan sa ibang pagkakataon.
At The Pinaglabanan Memorial Shrine across the San Juan City Hall
The Bonifacio Monument near the Manila City Hall