My pet cat, Pit Bull when he was still in this world. How I miss him so...
Nobyembre
16. Ako’y nakadama ng ‘gloomy Friday night’. Mula pa nitong tanghali mahina na
kumilos ang senior citizen kong miming at ayaw na niyang kumain. Pagsapit ng
gabi, nanghihina na siya at naramdaman kong iiwan na ako ng aking pinakamamahal
na pusa. Ayoko na siyang maghirap pa kaya ipinanalangin ko sa Panginoon na Siya
na ang bahala sa kanya.
Nine
years old na si Pit Bull; ipinanganak siya noong Oktubre 2009. Una ko pa lang
siya napagmasdan noong kuting pa siya at napansin ang distinct black spot sa noo
niya, napagpasyahan kong pangalanan siyang Pit Bull dahil para siyang mukhang
pitbull. Mula pa noong maliit siya ay hindi ko siya napa-checkup sa beterinaryo
at hinayaan ko siya sa kanyang natural, wild feline instincts sapagkat likas sa
mga pusa ang pahalagahan ang kanilang personal freedom at ayaw rin nilang
pakialaman sila ng mga tao sa kung paano sila mamuhay. Ang malaking pinag-iba
ng mga pusa sa mga aso ay sila itong mas free-spirited. Hindi siya maarte sa
pagkain; kung anong kinakain namin, yun din ang tsibog niya. Ngunit si Pit
Bull, mahilig man gumala noong kabataan niya, makipagrambulan sa ibang barako
sa ngalan ng teritoryo, at babaero pa, umuuwi pa rin siya sa akin bilang alaga
kong miming. At nang naging senior citizen na siya at sumapit na sa age of
retirement, pinili na niyang maglagi sa bahay at siya’y tuluyan nang naging
isang housecat ni hindi na siya pumapalag kapag kinakarga ko siya na parang
baby. Madalas pag natutulog ako noon, siya ay nahihimbing naman sa unan ko. Sa
tuwing nagbabakasyon kami, kinakausap ko siya na mag-ingat palagi at
inihahabilin ko sa aming katiwalang kamag-anak na siya ay pakainin at bigyan ng
malinis na tubig. At anong saya kapag umuuwi ako sa bahay at siya naman ay
nakaabang sa may terrace.
Nobyembre
17. May kahabaan ang araw na ito. Pasikat pa lang ang araw at pagbangon ko ay
inalam ko kung kumusta na si Pit Bull ko. Maaliwalas ang panahon ngunit ito’y
araw ng kalungkutan para sa akin sapagkat ang pinakamamahal kong pusa ay
namaalam na at na-realize kong hayaan ko na siyang magpahinga sa awa ng
Panginoon. Doon, naroon din ang mga miming ko noon. Nagkaroon si Pit Bull ng
himlayan sa aming hardin, ang kanyang memorial park at katabi pa nito ang lote
ng magandang si Mama Miming (namaalam nitong Hunyo) na naging alaga ko rin noon
at gusto ko pa noon na maging asawa niya kahit na madalas ay nagsusungitan
sila. Mayroong mataas na fortune plant sa kanilang himlayan. Magpahinga ka na,
Pit Bull ko. Maraming salamat sa Panginoon at naging bahagi ka ng buhay ko.
Nagpatuloy
pa rin ako sa buhay sa araw na ito. Pumasok ako sa aming Saturday classes ng
graduate studies kung saan ako naka-enroll ngayong semestre. Pagsapit ng hapon,
nagtungo ako sa SM Manila sapagkat highly-anticipated para sa akin ang petsang
ito. Muling ginanap sa naturang mall ang Dugong Bombo. Napakaraming donors at
kay tagal ng hintay ko sa pila. Ngunit napawi rin ang pagkabagot nang matapos
ang karagdagang pagsusuri at ako’y naging qualified blood donor muli ngayong
taon. Maraming salamat sa Panginoon. Ang aking mantra: pagtataglay ng spiritual
nourishment + pagiging clean-living + pagpapanatili ng healthy lifestyle.
Kagabi ko natapos ang aking St. Jude’s Novena at nitong umaga ang aking rosary!
Kahit na ginabi ako sa pag-uwi, hindi naman ako napagod o nahilo. At hindi rin
siksikan sa LRT.
At
pag-uwi sa bahay, hay... unang gabi na wala na ang aking Pit Bull. Isa sa mga
anak niya,si Lalake na anak niya kay Babayi,ay dati namang naglalagi dito sa
bahay kaya lang mula ang naging alpha male tomcat na ay naging suplado na at
tuluyan nang tumira sa teritoryo kung saan siya naghahari. Dito sa bahay, bawal
kasi ang mga aso pero pinapayagan ang mga pusa at meron din akong mga alagang
maya (sila’y mga ibong may layang lumipad). Isang araw, magkakaroon uli ako ng
miming na kusang-loob na maging maamo sa akin.