Disyembre 2. Celebrating the anniversary of my favorite city, Pasay.
The Pasay City Hymn
(Katha nina Ofelia San Juan/ Raymond San Juan at
Liriko ni Ivan Grulla;
Courtesy of the Pasay City Government Website)
Mabuhay! Lungsod ng Pasay
Perlas ng Kamaynilaan
Hangad ay kaunlaran
Sa lahat ng larangan.
Mabuhay! Lungsod ng pasay
Dungawan ng sandaigdigan
Ugaling mapagtanggap
Ng tunay na mamamayan.
(Chorus)
Pasay! Mahal kong Bayan
Sa puso’y nag-iisa
Pasay, dakilang bayan
Pasay, mabuhay ka!
Ang lahat ay maka-Diyos
Makabansa, makatao
Masipag at mapagmahal
Ang tunay na Pasayeño!
(Ulitin ang Chorus)
Pasay...
Mabuhay ka!
*******
Kamakailan lamang ay agaw-pansin sa lahat ang kaakit-akit at makasining na
pagbabago sa pader ng Pasay City Cemetery na nakaharap sa Tramo (ito pa rin ang
tawag ng nakararaming taga-Pasay para sa pangunahing lansangang iyon sa halip
na Aurora Boulevard na higit na kilala bilang malaking kalsada sa Cubao, Quezon
City). Dati-rati, ang pader ay naging lugar ng kapabayaan, urban filth, and
desecration to the dead lalo pa’t bahagi pa naman yun ng sementeryo. Halos puno
yun noon ng mga walang kwentang bandalismo at graffiti na gawa ng mga kabataang
tinakasan na yata ng katinuan nila at walang pagpapahalaga sa kalinisan ng
kapaligiran; sa gabi, ay mga nakatambay doon na ilang mga taong tila hindi
gagawa ng mabuti sa lipunan. Tuwing panahon ng eleksyon, punung-puno naman yun
ng mga campaign posters and stickers; kung sabagay, mas mabuti na nga ang
ganoon kaysa graffiti. Sa pagtutulungan ng National Commission for Culture and
Arts (NCCA) at ng Pasay local government at mga karatig barangay, ilang
talented artists ang nagtulungan upang gawin ang makukulay na wall murals.
Pampa-good vibes sa mga motorista, commuters, pedestrians, at iba pang tagaroon
na nais naman ng mga makabuluhang artworks na nagtataglay ng magagandang
mensahe ng pag-asa, pangarap, pangangalaga sa kalikasan, at pagmamahal sa aming
lungsod ng Pasay. Napakalaki rin ng painting doon ni Pope Francis lalo pa’t
makailang beses napabilang ang Pasay sa papal itinerary and motorcade nitong
pagbisita niya noong Enero.
Wala akong kuhang larawan ng mga murals na iyon. Harinawa’y magtagal pa
yun at mapangalagaan ng mga kinauukulan.
Sana, sumagi naman sa utak ng mga taong mahilig manira ng mga pampubliko at
pribadong lugar ang tungkol sa pagbibigay-halaga sa kalinisan at kaayusan.
Huwag naman nilang pagtripang bakbakin ang mga pintura o dumihan ang pader ng
basura itinatapon nila lalo na tuwing gabi. Siyempre, ang ipinangpagawa sa mga
mural ay gastos ng gobyerno mula sa buwis na binabayad ng mga mamamayan!
Disyembre 17. Christmas party sa Villamor Air Base Elementary School.
Ngayong taon ay muli akong naging event organizer and party host sa children’s
party. For a hassle-free party, nagpa-order na lang kami sa Greenwich-ASEANA
nang ang kanilang staff ay nagtungo sa school noong isang araw. Ang dami-dami
kong pinagkaabalahan nitong mga nakaraang araw at stressed out pa kaya lang
naging absent-minded naman ako nang nagbayad na ako para sa mga orders at ang
engot ko nang hindi ko nai-double-check ang total costs sa official receipt.
Subalit sinabi ng delivery man na napasobra ang binayad ko sa staff nila kaya
pinabalik ang labis na salapi. Sinuri ko uli ang resibo. Sobra nga ang binayad
ko; siguro nagkamali rin sa pag-compute ang staff ng Greenwich. Well, naging
engot nga ako noong isang araw sa transaksyon, ang mahalaga, maraming salamat
sa Panginoon, nanaig ang katapatan ng Greenwich staff and all’s well that ends
well!
Ah, very pleasant naman ang Christmas party sa aming klase kahit simple
lamang. At least hindi gaanong stressful di tulad noong 2013 (refer to blog
post December 2013 “Tanglaw ng mga Parol”). Ang mga bata ngayon sa advisory
class ay mas cooperative at nang nagpa-games ako, isport lang sila at hindi
sinisira ang laro. Kabilang sa mga games ay ang ‘pin the tail’; nagdrowing ako
sa pisara ng isang unggoy sapagkat ang susunod na taon 2016 ay Year of the
Monkey tapos gumupit na lang ako sa scratch paper ng buntot nito. Actually,
natutunan ko ang parlor game na ito mula sa isang cartoons. Noong grade 5 ako,
ang RPN-9 (now CNN Philippines) ay kagaya rin ng iba pang TV networks;
nagpapalabas din ng vintage cartoons and animé (tulad ng Dragon Ball na first
time napanood dito at naka-dub pa sa English). Kabilang sa daytime toon block
ng channel 9 ay ang very popular “Casper: The Friendly Ghost”. Sa isang episode
kasi doon, si Casper ay sumali sa isang Halloween party at ang kanyang pagiging
multo ang kanyang costume mismo. Sa isang game doon, ang ‘pin the donkey’s
tail’, ang player ay nakapiring ang mga mata at kailangang matantiya niya kung
saan banda sa donkey illustration itutusok ang buntot na tela. Kaya lang
napalayo si Casper at naitusok pa niya ang buntot sa tunay na donkey na agad
siyang nasipa at tumilapon siya sa dram ng tubig kaya natunaw ang pintura niya
sa sarili. At nang nalaman ng mga tao na tunay pala siyang multo ay kumaripas
ng takbo ang mga ito. Haha, thanks, Casper!
Basta masaya ang party. Pagkatapos magsikain ng mga bata, exchange gift na
at pati ako ay nakatanggap din ng mga regalo. May okasyon naman, eh. Mabuti
naman at may mga batang nagpaiwan muna para tulungan akong maglinis at ayusin
muli ang classroom.
*******
Disyembre 21. Mabuti na lang at hindi ako tumuloy sa lakad ko nitong umaga
kundi ay hindi ko mapapanood ang Miss Universe 2015 Coronation Night na palabas
sa ABS-CBN live from Las Vegas kahit na patapos na ito. Lalo ko yung tinutukan
nang tinawag na ang finalists at kasama pa si Miss Philippines Pia Alonzo
Wurtzbach; pagdating sa Q & A portion, wow, napakagaling ng sagot niya as
in confidently beautiful with a heart.
At ito na ang twister, hindi lang twist. Sa pag-anunsyo ng mga wagi,
yumanig malamang sa Las Vegas. Second runner-up- Miss USA; kapansin-pansin ang
pagbawas ng tamis sa kanyang ngiti at paglamlam ng kislap sa kanyang mga mata.
First runner-up- Miss Philippines; kitang-kita naman na tanggap na niya ang
kanyang kapalaran. And this year’s Miss Universe... ninanamnam na ni Miss
Colombia ang kanyang tagumpay pero bakit parang hindi nagbubunyi ang karamihan
sa mga tao? Wait, I made a mistake...
at least, the comedian-host was man enough for atonement. And presenting Miss
Universe 2015: Miss Philippines! Glory and honor for the country, great
Christmas presents not only for Pia but for the whole Filipino nation as well.
*******
Replica of the X-Wing Star Fighter at the Star Wars exhibit at SM Mall of
Asia
Disyembre 22. Sa araw na ito ng maaliwalas na panahon habang inoobserba
ang winter solstice kahit wala namang winter season dito sa Pilipinas, isang
Christmas gift na ang makapanood ng most anticipated movie ng taon, ang Star
Wars VII: The Force Awakens sa SM Mall of Asia Cinemas. First time pa lang na
nabanggit yun sa entertainment news ay inabangan ko na at hindi ko talaga
palalampasin sa sinehan. 251 pesos ba naman, o! Ah, may ipon naman ako para
dito at saka minsan-minsan lang ito. Ang nanay at tatay ko lamang ang libre sa
ticket!
Habang hindi pa nagsisimula ang latest installment ng Star Wars saga,
nagmumuni-muni muna ako. Huli pa akong nakapanood ng sine noong 2006 pa at sa
Masagana pa yun sa Libertad (now Puregold-Wellcome Plaza); kaya nga
napakalaking kawalan ng Masagana cinemas na bukod sa mas mababa ang presyo ng
tiket ay wala rin namang pinag-iba sa mga sinehan ng mas malalaking mall.
Marami na akong napanood na sine doon noong wala pang isandaang piso (ranging
from 60 to 80 pesos only!) ang presyo ng mga tiket tulad ng “Passion of the
Christ”, “Troy”, “Shrek 2”, “Hellboy”, at doon ko pa napanood ang “Star Wars
III: Revenge of the Sith”. Nakapanood din ako ng local films doon tulad "Panaghoy sa Suba", “Enteng
Kabisote”, “Moments of Love”, "Batanes", at ang first full-length Pinoy animated film na
“Urduja”. Nabanggit ko rin sa past blogs ko na nakapanood din ako doon ng
dalawang adult-oriented films, ang “Basic Instinct 2” at “Casa”. Basta, nang
nanood ako doon, naka-disguise ako bilang lalaki at lalong ayoko nang may
katabi! Ang isa pa sanang budget-friendly cinemas ay nasa Pearl Plaza sa Tambo,
Parañaque at hindi ko alam kung operational pa ba ang mall na yun; basta doon
kami nakapanood ng magagandang sine ng early dekada 2000s- “A.I. Artificial
Intelligence”, “Home Along da River”, at ang “Mano Po 1”. Ang dami namang
tumangkilik sa mga sinehan nito pero bakit hindi nagtagal?
Sarado na nga pala ang karamihan sa mga stand-alone o maliliit na sinehang
hindi sakop ng mga mall. Mula nang ‘nasunog’ umano ang Masagana at naging
Wellcome Plaza makalipas ng maraming buwan, wala nang sinehan. Talamak na
talamak na kasi ang movie piracy para sa masang hangad lang ay murang
entertainment. Ipapalabas din naman ang mga sine sa mga cable movie channels
basta maghintay ka lamang, hehehe! Yung ilang sinehan ay operational pa rin but
in a different way; nagpapalabas pa rin sila ng mga sine, lumang sine na
inaanunsyo ng mga hand-painted marquee pero adult films na karamihan ay gay
erotic flicks... tapos, ang sinehan ay pugad pa umano ng kalaswaan at pagkalat
ng mga sakit na kahit ilang beses nang ni-raid ng pulis, bumabalik pa rin
makalipas ng ilang linggo; business as usual.
Naantala ang pagninilay ko nang nagsimula na ang sine with the opening
words of “A long, long time ago in a
galaxy far, far away...” at nasundan ng iconic musical score na akala mo’y
isang malaking batalyon ang mga miyembro ng orchestra ang tumutugtog. The
movie’s great! Hay, ang sarap mag-imagine... paano kung totoong may mga ganoon
ngang sibilisasyon? Paano kung ang galaxy na iyon ay ang Whirlpool Galaxy o isa
sa mga extragalactic system ng Virgo constellation? Dito ba yun sa Milky Way?
Meron pa bang ibang sibilisasyon anywhere in the Universe bukod sa mga
taga-Earth?
*******
Disyembre 25, araw ng Kapaskuhan. Kayganda ng panahon. Habang hinihintay
naming magsimula ang pang-umagang Misa sa Our Lady of Loreto Chapel sa loob ng
Camp Jesus Villamor Air Base, nag-usyoso kami sa mga naka-exhibit na mga kubol
sa di-kalayuan. Bawat booth ay may mga mensahe at makikita dito kung gaano
ka-malikhain ang iba’t ibang departamento ng Philippine Air Force na lumahok
dito. Gumamit din sila ng indigenous and recycled materials. Ngayong taon ang
motifs and themes ng bawat kubol ay hango sa sikat na awiting Pamasko na “12
days of Christmas” na paulit-ulit na inaawit pero meron palang kino-convey na
mas malalim na mensahe ng religious observance ng Pasko.
*******
Kabilugan ng Buwan Noong Gabi ng Pasko 2015
The most beautiful in the night sky last Christmas
“O, Maliwanag na Buwan”
(Tagalog lyrics by Levi Celerio from the Ilocano folk
song “O, Naraniag nga Bulan”/
Made popular by
Pilita Corrales)
O, maliwanag na buwan
Nakikiusap ako
Ang aking minamahal
Sana ay hanapin mo.
Tadhana man ay magbiro
Araw man ay magdaan
Ang pag-ibig ko sa kanya
Ay hindi magbabago
Hanggang sa kamatayan.
(Chorus)
O, buwan, sa liwanag mo
Kami ay nagsumpaan ng irog ko
Giliw ko ang sabi niya
Ang puso ko’y iyong-iyo.
O, buwan, pakiusap ko
Saan man naroroon ang irog ko
Siya’y aking hinihintay
Sabihin mo.
*******
Disyembre 28. Ngayon ay Feast of the Holy Innocents. Ito ay ang paggunita
sa mga abang paslit na pinapatay ni Herodes sa pagtugis sa Batang Panginoong
Hesus. Parallel event ito noong kapanganakan ni Moses. Hanggang sa makabagong
panahon, napakarami pa ring mga inosenteng musmos, kasama yaong mga hindi pa
ipinanganak nang masilayan naman ang mundo, ay nagbuwis ng buhay at kabataan
nila dahil sa mga makasariling hangarin ng ilang tao. Mga batang iminulat na sa
karahasan at sapilitang isinasali sa kaguluhang pinasimulan ng mga matatanda.
Mga batang napariwara ang buhay bunga ng katiwaliang naidulot sa kanilang
pagkatao at kasalatan sa wastong paggabay kaya sa murang gulang pa lamang ay
nagdurusa na sila. Mga biktima ng kahirapan, pang-aabuso, at iba pang sanhi
upang hindi malasap ng isang bata ang isang magandang buhay. “... sa kanila ang
Kaharian ng Diyos,” winika ng Panginoon nang pinalapit sa Kanyang piling ang
mga bata. Pagpalain nawa ng Panginoon ang lahat ng kabataan ng mundo. Amen.
*******
Disyembre 29. Nagpapatuloy ang 2015 Metro Manila Film Festival. Very
disappointing nga lang sa SM MOA cinemas kasi akala ko lahat ng kalahok na
pelikula ay ipinalalabas doon. Tapos wala palang free tickets for seniors basta
MMFF entries; discount, meron. Ang gusto ko pa naman panoorin ay ang
“Nilalang”; at kung hindi lang ito ang palabas, di bale na lang; trip ko pang
mapanood ang mature na si Maria Ozawa kaysa sa wholesome pang dubsmash-dubsmash
na lang na si Maine Mendoza, hehehe! Kaya lang, ang nanay at tatay ko ay nanood
ng isang sine at yun ang “My Bebe Love #KiligPaMore”. Ayoko nga nun! Nakikinita
kong ang ‘pa-good vibes’ daw na popular na sine ay corny, mababaw ang plot, at
pulos advertisement ng mga commercial products... I’m so sorry, Eat Bulaga at
sa AlDub nation, honest lang ako dito. Pumili na lang ako ng ibang pelikula
kahit na nanghihinayang ako sa babayaran kong tiket. May mga horror movies,
action thriller tapos mga corny rom-coms. At napagpasyahan kong piliin ang
“#WalangForever” para malaman kung bakit sina Jennylyn Mercado at Jericho
Rosales ang mga itinanghal na Best Actress & Best Actor at ang naturang
pelikula ay ginawaran pa ng Best Picture accolade.
Halos mapuno ang Cinema 2 ng mga manonood pero mabuti na lang at wala
akong katabi! Ang “Walang Forever” ay isang bittersweet rom-com na sa simula’y
medyo boring para sa akin tapos puro na lang daldal nang daldal ang mga
characters na kahit na nagpapakwela na at humahagikgik na ang karamihan sa mga
manonood, hindi ako affected o kaya’y bato na ako sa punyemas na kilig factor
ng ganoong uri ng sine. Pero as the movie progresses, with the hugot-kulangot
moments intensifying, sa wakas, nabighani na rin ako sa kwento.
*******
Disyembre 30. Araw ngayon ni Gat José Rizal. Sayang at hindi ako
nakapamasyal sa Rizal Park. Siyanga pala, may napulot akong cutout picture
galing school at ito ay mula sa isang lumang magasin na larawan ng Luneta noon.
Base sa pananamit at porma ng mga tao sa litrato lalo na yung bell bottoms,
dekada ‘70s ito. Mapapansin ang itsura ng lugar noon na hindi ganoon kadami ang
mga puno at mga halaman. At mas marami pa palang “pambansang photobomber” noon
sa likod ng monumento ni Rizal! More unattractive than the Torre de Manila of
today!
Sa laidback na araw na ito, hay sa wakas, napanood ko na sa TV5 ang last
episode ng “X-Men Animated Series”. Inabot pa ng dalawang dekada. Kumpleto na
ang excitement na nagsimula pa noong 1993 nang una ko itong pinanood at
sinubaybayan tuwing Friday primetime slot ng channel 2 noon. Sa kabanata, si
Professor Charles Xavier ay naghihingalo na dahil sa matagal nang iniindang
sakit kaya bilang huling respeto sa kanya, ilan sa kanyang mga estudyante ay
sumadya sa kuta ni Magneto upang ipaalam dito ang nangyari at humingi rin ng
tulong dito na mapadali ang komunikasyon nila kay Empress Lilandra mula sa
malayong planeta nito. Sa isang iglap ay nag-teleport si Lilandra para
pagalingin si Professor X pero sa kondisyong dadalhin na niya ito sa kanyang
planeta at mananatili doon sa di-tiyak na panahon. Yun na ang huling pamamaalam
ni Professor X sa kanyang X-Men family at mga kaibigan na nagsama-sama habang
pinanonood siya at si Lilandra na lumisan patungo sa kabilang dako ng Universe.
Hey, ang ganda ng finale pala nito.
*******
Disyembre 31. Bisperas ngayon ng Bagong Taon tapos makulimlim pa ang
panahon at may pagbabadya ng ulan. Napanood ko sa Cinema One itong original at
‘80s hit movie na “Petrang Kabayo at ang Pilyang Kuting” starring Roderick
Paulate na kilala pa noon pa sa funny gay roles at ang emerging child star na
si Aiza Seguerra along with popular teen celebrities. Ito ang trip ko kaysa
yung modern remake, hmp! Nakakatawa talaga ang tandem nina Roderick at Aiza. At
saka, merong eksena doon na sa palagay ko’y pinagmulan ng pangalan ng isang
pinagbabawal na paputok. Nang nalaman ng bida na nagiging kabayo na siya dulot
ng sumpa at hindi niya alam kung paano siya makakalaya sa pamamagitan ng
tatlong kabayanihang kailangang magawa niya bago ang 21st birthday niya, isa sa
mga suicide attempts niya na nauwi lang sa kapalpakan at katatawanan ay nang
lulundag na sana siya mula sa mataas na bahay na matapos mag-emote-emote ay
sumigaw pa ng “goodbye, Philippines!” sabay
nahulog siya sa trak ng basura!
Pero wala naman akong balak magsindi ng paputok ngayong bisperas. Tapos na
ako doon noon pa. Halos buong gabing may mahinang pag-uulan pero hindi pa rin
nito napigilan ang pagbulusok ng aerial fireworks. Maganda nga na umulan para
mahugasan ang pulbura sa kapaligiran. Looking back 2015, the usual ups and
downs. Mga di-malilimutang karanasan, tagpo, biyahe, people, along with all
else. The goat or the sheep has the last baa-baa and meeeh-meeeh, and the
monkey is already hoppin’ and swingin’ in at saka timing nga naman ang hit
single with its cute music video of groovy dancin’ chimps ng bandang Coldplay
para sa “Adventure of a Lifetime”.
What’s in store for 2016? Perhaps, I would be still running in circles.
Pero ayoko nang magpaka-pessimistic. Kung walang katuparan ng pangarap, sigh...
ganoon na lang siguro kahit ano pang effort ko. Higit sa lahat, sa paghihiwalay
ng luma at bagong taon, ako’y nagpapasalamat sa Panginoon sa Kanyang mga biyaya
sa ating lahat.
Maligayang Pasko at Masaganang Bagong taon!