HOY! PSSSSSST! ANONYMOUS READERS! KUNG HINDI NIYO MAN TRIP ANG MAG-POST NG COMMENTS DITO AT BAKA MAKILALA KO KAYO, AT LEAST PAKIBISITA NAMAN ANG WATTPAD SITE KO (https://www.wattpad.com/user/weirdjtt). PARANG MUNTING TULONG NIYO NA RIN SA AKIN. HINDI NAMAN AKO NAGING MADAMOT SA INYO SA LIBRENG PAGPAPABASA NG BLOGS KO SA LOOB BA NAMAN NG MARAMING TAON! PARANG AWA NA NINYO, ANONYMOUS READERS...
Included among my favorite flowers, the lilies
Daydreaming last 16th of
April. Buhat pa nitong mga nakaraang araw, panay na ang patugtog sa FM Home
Radio Natural 97.9 ng bagong track mula sa Itchyworms na “Ayokong Tumanda”. Oo
nga pala, labas na sa kalendaryo ang edad kong tatlumpu’t dalawa pero wala na
akong pakialam, hehehe! Age is just a number. At mas lalo akong walang pakialam
kung ang tingin sa akin ng maraming tao ay napag-iwanan na ako ng panahon. Para
sa mga taong matalas ang paningin sa kung anumang panlabas na imahe ng kanilang
kapwa, tiyak na ang tingin sa akin ay makaluma’t hindi presentable or
sophisticated, in short, mukhang losyang... punyemas kayo at punyemas din kayo!
Sa panlalait tungkol sa panlabas kong anyo, ang mga magulang ko at ako lamang
ang may tanging karapatan na maghayag ng ganoon, get it? At kapag marinig ko
yun sa bunganga ng ilang tao, pwede ko silang balikan sa oras at paraang hindi
nila malalaman...
Nagpasya na akong
magpakapusong-lalaki na lamang subalit hindi naman ibig sabihin ay magkagusto
rin ako sa babae. That’s a big no! at isa pa, bakit pa ba ako mai-in love, eh
buhat pa noon, wala namang tumatanggap sa akin as me, kung ano o sino ako?
Tulad ng nabanggit ko, pusong-lalaki na dapat ako at patuloy ang kasiyahan ng
pagiging single-blessed.
Hindi lahat ng mithiin o
pangarap sa buhay ay nakakamit. Sa totoo lang, madalas akong magnilay buhat pa
nitong mga nakaraang araw. Ang career ko ay sa pagtuturo pero tatagal ba ako
dito? Kung may oportunidad sana, maaari na akong mag-career shift. Nangangarap
ako nang gising na isa na akong kilalang fiction writer at babalikan ko ang isa
ko pang past passion, ang pagpipinta. Matagal na matagal ko na yung minimithi
at hinahangad. Nag-exert naman ako ng effort subalit nagkaroon ba ng katuparan?
Wala.
Birthday blues...
Ah, just set that aside.
Ngayong taon naman, isang napakasayang birthday gift ang natanggap ko dahil sa
wakas, natupad na ang matagal ko nang pangarap na makarating sa probinsya ng
Batanes mula Abril 17 hanggang 21. Maraming beses ko nang nabasa at nakita ang
features at larawan nito sa mga magazine, especially PAL’s Mabuhay, TV
documentaries and travel shows, at mga pelikula.
Ang pagtungo sa
pinakahilagang lalawigan ng ating bansa ay kailangan talagang pag-ipunan
subalit sulit ang gastos at ang lubos at maliligayang alaala mula sa
paglalakbay doon ay walang katumbas na halaga. Umaga ng Abril 17, lumulan kami
sa eroplano ng Philippine Airlines na naghatid sa amin doon. Ligtas ang biyahe
at habang patungong Basco airport sa Batan Island, pinagmasdan ko ang mga
tanawin sa kalupaan ng Luzon, mula sa congested Metro Manila hanggang Baguio at
Bulubunduking Cordillera at ang mga windmills ng Bangui, Ilocos Norte ay parang
mga puting toothpick. At nang dumaan ang eroplano sa himpapawid malapit sa
Babuyan Islands na sakop ng Cagayan, napansin ko ang isang gumagalaw na anyo sa
karagatan na hindi naman anino ng ulap. Ayon sa napanood kong kabanata ng “Born
to be Wild” ng GMA-7, kabilang ang Babuyan sa dinadaanan ng mga migratory ocean
giants tulad ng Blue and Humpback Whales. Maaaring may butanding pa.
Makulimlim ang panahon
nang lumapag sa Basco airport ang eroplano na siya rin ang maghahatid sa amin
pabalik sa NAIA-3. Noon pa man ang impression sa Batanes ay pambihirang
kagandahan at kapayapaan. Sa paglipas ng panahon, nagkaroon ng tourism boom and
bloom.
Marami na ring
matutuluyang “homestay” at mga hotel gaya nito na aming tinuluyan sa Basco.
Kamakailan lamang, lalong
nagkaroon ng exposure ang probinsya dahil sa isang romantic comedy na “You’re
My Boss” starring Toni Gonzaga and Coco Martin pero wala naman akong pakialam
sa pelikulang yun, eh. Hindi naman ako mahilig sa mga rom-com ng panahong ito
with all those hugot-kulangot, high tension wire of cheesy emotions galore at bahala
na ang tumbong mo kung kiligin ka man o hindi. Well, noong 2006 ay may napanood
akong mala-indie film na ang pamagat ay “Batanes” na ang bida ay si Iza Calzado
at Ken Tzu at naroon pa si Coco Martin in a minor role palibhasa ay bata at
papasikat pa lang siya nang panahong iyon.
Kahit saan mapadako ang
sulyap, natatangi talaga ang kariktan ng lalawigan. Harinawa’y mapanatili ang
likas na katangian nito. Patuloy ang pagdagsa ng mga turista. Sana’y ang
Batanes ay manatiling modelo ng responsible tourism.
*******
GALLERY OF THE NORTHERN STAR
My tribute to the majestic Mt. Iraya
Isa sa mga maituturing na
Ivatan symbol ang halamang ito na arius kasi kahit saan sa probinsya,
matatagpuan ito. Napanood ko sa channel 7 ang isang dokyumentaryo tungkol sa
Ivatan community ng Cavite kung saan marami sa kanila ay galing pa sa Itbayat
Island na pinakadulong munisipalidad sa norte at lumuwas noon sa Maynila para
mag-aral o magtrabaho. Pagkatapos ay nahikayat pa nilang sumunod ang mga
kamag-anak nila at pati kapitbahay. At upang mayroong nagpapaalala ng kanilang
pinagmulang bayan, may mga arius na nakatanim sa kanilang bakuran.
May nabasa nga pala ako na ang ancient heresy na "Arianism" ay naka-attribute sa Libyanong pari na si Arius of Alexandria (250 or 256-336 AD) pero wala naman sigurong connection ang desert-dwelling ascetic at ang evergreen tree ng Batanes.
Overlooking mula sa Tukon
radar and weather station ang Our Lady of Mt. Carmel chapel, the stone chapel
on the hill. Noon naman ay madalas daanan ng bagyo ang probinsya kaya nga yari
sa bato ang maraming bahay at gusali dito yet in recent years, bahagyang
nagbago na ang itinerary ng mga bagyo. Climate change daw.
Isa ito sa mga lagusan ng
Japanese World War II tunnel na una kong napanood sa “I-Witness” ng channel 7.
Nagpapaalala man ito ng wartime tyranny and oppression, ngayon tulad ng Malinta
tunnel ng Corregidor, ang pagpapahalaga sa kasaysayan at kapayapaan ang
madarama dito.
Valungan Boulder Beach. Scenic yet fierce beauty. Bawal daw maligo dito.
Hills of Vayang
This ain’t the Scottish
Highlands or the Irish landscape but you can sing the sound of music because
the hills are alive. Ang lakas-lakas ng hangin at maraming ganitong
kahalintulad na tanawin sa Batan Island. Picturesque rolling hills na kung hindi
ka mag-iingat sa mga hakbang mo ay magpapagulung-gulong ka nga pababa habang
tahimik na pinagtatawanan ng mga kalabaw, kambing, at baka ang kakornihan mo.
Basco Lighthouse. Tanaw na tanaw ito mula sa balkonahe ng hotel kung saan
kami tumuloy.
Sto. Domingo Parish/ Katedral ng Imaculada Concepcion o Simbahan ng Basco.
Aba, noong ika-2 ng
Abril, Huwebes Santo, ay muli kong napanood ang isa sa mga pinakatanyag na
pelikula, ang “Ten Commandments” (1956). Ipinalabas ito sa GMA-7 na Tagalized
na at higit sa tatlo’t kalahating oras ang airtime and absolutely
commercial-free.
Ang Sampung Utos ay
napakahalagang bahagi sa kahit saang simbahan. Dito sa Batanes, ito ay nakasaad
sa local dialect na Ivatanen. Farther north sa Itbayat, Itbayaten naman at may
pagkakaiba sa gamit ng ilang salita at kataga. Related naman ang mga ito at ang
mga tao ay nagkakaunawaan pa rin. Parang katulad sa Hiligaynon at Karay-a ng
mga Ilonggo o ng Ilokano at Pangalatok. Matatas din magsalita ng Tagalog ang
mga Ivatan. Smooth nga at mahinahon ang pagbigkas nila samantalang sa mga
Bisaya at Ilokano, mapapansin pa rin ang regional accent kapag nagtatagalog.
Ivatan cuisine na nakabalot sa malalapad na dahon ng
rimas. Nakalimutan ko lang kung ano ang local name para sa naturang puno. Kabilang
sa food trip dito ay ang kanin nilang isinaing na may turmeric o luyang dilaw
kaya may naiibang linamnam at health benefits. Madalas din inihahain alongside
savory meat/ seafood dishes ang bola-bolang may sahog na ubod ng saging.
Delicacy rin dito ang coconut crab. Kaya lang, honestly I’m sorry, para sa akin
ay mas masarap pa rin ang alimango mula sa dagat.
Bukod sa arius, isa pang halaman ang napakalaki ang
pakinabang sa mga Ivatan. Mga reeds ito at nalimutan ko rin ang local name nito
na sinabi ng aming tour guide. Nagsisilbi itong windbreakers and borders sa mga
taniman. Ang mala-kawayan nitong tangkay ay ginagamit bilang pang-suporta sa
bubong na kogon ng mga vernacular houses o bahay na bato at maging sa kisame ng
mga simbahan at iba pang gusali.
San Jose Parish, Bayan ng Ivana. Malapit ito sa
pantalan ng bayan at nakaharap ito sa karagatan at sa Sabtang Island. Noong
2000, nagkaroon daw ng lindol sa bahaging ito ng Batan at kabilang ang simbahan
sa napinsala datapwat sa pagtutulungan ng mga mamamayan at pamahalaan, muli
itong naitayo.
A main street in Ivana with ancestral houses including
that of the prominent Castaño family
Always naman ang ulat na dito sa Batanes, halos 0% ang
crime rate katulad sa probinsya ng Siquijor at iba pang maliliit na isla.
Ang mga tao ay namumuhay nang simple at kuntento sa
kung anong mayroon sila at bahagi na ng kanilang kultura ang pagiging palaging
handa, maaliwalas man o nagsusungit na ang panahon.
Presenting ang isa sa mga most iconic and most
photograped Ivatan home, the House of Dakay. Bukod sa residential pa rin ito,
mayroon ding souvenir shop dito.
Honesty Coffee Shop
Ang popular na tindahang walang nagbabantay at nakadepende
sa katapatan ng mga parokyano.
Songsong ruins
Tayid Lighthouse, Mahatao
Marlboro Country, Uyugan
Naalala ko noong pinapayagan pa ang mga komersyal ng
sigarilyo sa TV, ang Marlboro ang may pinakamagandang advertisement with all
those dramatic background music at lalo na kapag lumitaw ang cowboy model. Ang
lugar na ito ay nagpapaalala ng mga tanawin sa ad na iyon; huwag lang ang yosi,
hehehe!
Chawa View Deck, Mahatao
Maraming stone grotto si Mama Mary sa probinsya at
ilan ay nasa tabing highway. Nagkalat din ang signboards na “Blow Ur Horn” lalo na sa kurbadang
lansangan at tabing-bangin. Ang kagandahan dito ay disiplina sa pagmamaneho at
trapiko hindi tulad sa Metro Manila.
Pampasaherong bangka sa pantalan ng Ivana
Maraming salamat sa Panginoon, ligtas ang paglalakbay
tungong Sabtang Island. Malalaki ang mga alon dahil dito nagtatagpo ang West
Philippine Sea at ang Pacific Ocean. Naiiba rin ang anyo ng mga bangka na walang
katig upang sumabay sa mga alon. Ang rough seascape ng probinsya ang nakagisnan
ng mga ekspertong bangkero at mangingisda. Nakakahilo nga for first timers pero
sabayan mo na lang ang mga mapaglarong alon ng karagatan. Matapos ng 30-40
minuto ay nakatawid ka na sa pantalan ng Sabtang.
Malapit din sa pantalan ang San Vicente Ferrer parish
at tulad ng Simbahan ng Ivana, nakaharap din ito sa karagatan.
Dito sa Barangay Chavayan nakabase ang asosasyon ng
mga kababaihang gumagawa ng handicrafts lalo na ang mga headgear na vakul
(pambabae) at mala-tsalekong kanayi (panlalaki) na yari sa mga dahon ng isang
uri ng palma na marami sa Sabtang. Una ko pang nakita ang vakul sa magasin na
parang makapal at mahabang peluka na may bangs at isinusuot ng mga nagtatrabaho
sa bukid bilang panangga sa init ng araw at ulan.
Sta. Rosa de Lima Chapel of Chavayan
Tinyon View Deck and Hills
Bubungad sa nananabik na puso ang makapangyarihang
Karagatang Pasipiko
The ancient Savidug Idjang fortress built by the
ancestors of the people of Sabtang.
Talaga namang kahit na mabagsik ang init ng
tanghaling-tapat, parang magnet pa rin ang kabigha-bighaning dalampasigang ito
o yung tinatawag na Morong Beach. At bawat panauhin sa Sabtang ay hindi aalis
hanga’t hindi nararating ang ahaw o arkong bato na nililok mismo ng Kalikasan.
Nasa di-kalayuan naman ang Nakabuang Cave at hindi ka mabubuwang dito. Kung mas
maaga sana kaming nakarating dito o kung maulap ang langit, ang sarap sanang
magbabad sa napakalinaw na dagat at wala nang pakialam kung mag-iba man ang
kulay ng balat.
Nasa pristine condition pa ang beach. Hindi ito
Boracay. Walang mapaminsalang exploitation ng komersyalismo. Walang polusyon
(maliban sa kalat na iniwan ng ilang burarang turista doon mismo sa arko).
Walang ingay maliban sa ugong ng karagatan. Very peaceful kahit maugong ang
alon ng mga dagat without the raucous beach bums and hard-partying bitchiest
bacchanals male and female and she-males alike to disrupt your tranquil
introspection about you, nature, and life.
Natatanaw pa mula dito ang isla ng Batan kung saan
kami galing. Hindi lang kasama sa itinerary ng tour package ang Itbayat at may
kalayuan daw yun.
Mag-aalas dos at low tide na nang bumalik na kami sa
Port of Ivana. Ang mga alon ay hindi na kasinglaki tulad kaninang umaga. Habang
nasa laot kami, kumain ako ng Sky Flakes crackers at ang ilan dito ay initsa ko
sa dagat. Hindi naman ako nagsasayang ng pagkain o nagkakalat. Sabihin na ngang
mistulang pamahiin na ginaya ko mula sa isang eksena ng pelikulang “Batanes” kung saan ang isang mangingisda
doon ay naghuhulog ng mga butil ng kanin sa dagat. Unang beses ko ngang ginaya
yun noon sa Guimaras nang nag-island-hopping kami. Ang dagat ay buhay. Buhay na
buhay at hinandugan ko ng bahagi ng aking pagkain habang naglalakbay sa kanyang
mga alon. Kaya lamang, nakalulungkot na sa ibang lugar, lalo na sa Manila Bay
at pati ang ibang provincial ports, matagal nang nilaspatangan ang dagat,
tsktsktsk!
Kabilang din sa di-malilimutang tanawin ay ang Batanes
sunset. Na-realize ko na kay-bilis ng mga araw at magtatapos na ang bakasyon
dito. At the same time, naroon naman ang kasabikan ng pagbabalik sa aming
tahanan.
Siyanga pala, sa ilang lugar sa Batanes, nag-iwan ako
ng mga kopya ng aking unang ipinalimbag na pocketbook na “Dalawang Babaeng
Umiibig” (noon ko pa nai-compose ito at saka pakialam ko sa upcoming teledrama
sa channel 7 na “The Rich Man’s Daughter”, ano?). Sinulatan ko pa yun ng note
na “Regalo ko para sa iyo, kaibigan. Ingatan mo, ha? God Bless!”. Makakaugalian
ko nang mag-iwan ng ilang kopya ng pocketbook sa iba’t ibang lugar. Regalo ko
talaga para sa strangers na bukas ang pang-unawa na papansin, babasa, at
pakakaingatan ang mga ito. Malay ko at magkaroon pa ako ng mga tunay na
kaibigan .
Pag-uwi namin dito sa Villamor Air Base, napansin ko
na namumula pa rin ang mukha ko lalo na ang aking ilong. Di bale, wala naman
akong sunburn. Alaala ito ng isang maikli ngunit maligaya at di-malilimutang
bakasyon.
This blog is aggressive yet honest. :)
ReplyDeleteKailan kaya uli ako makakapasyal sa Batanes?
ReplyDeletePSSSSSSST! PARANG AWA NIYO NA, ANONYMOUS READERS! KUNG HINDI NIYO TRIP ANG MAG-COMMENT DITO DAHIL BAKA MAKILALA KAYO, AT LEAST PAKIBISITA NAMAN ANG AKING WATTPAD SITE KAHIT MUNTING TULONG NA LANG SA AKIN SA LIBRENG PAGPAPABASA SA INYO NG BLOGS KO. HINDI AKO NAGING MADAMOT SA INYO! PARANG AWA NA NINYO!
ReplyDelete