Minsan isang tanghali, umuwi muna ako galing VABES; nang nag-RPMS seminar
kasi, kaming mga panghapon ay naging pang-umaga ang mga klase sapagkat ang mga
kadaldalang seminars ay ginanap sa hapon at ito ay sa buong dibisyon ng Pasay.
Siyempre, nag-uuwian na ang mga kabataan mapa-elementarya man o hayskul.
Paglabas ko pa lang sa school gate, ang daming estudyante ng Pasay City South
High School. Merong isang binatilyong Grade 10 ang tumawag sa akin. Kahit na mas
mataas na siya kaysa sa akin ay nakilala ko pa rin siya agad at isa siya sa mga
mag-aaral mula sa unang advisory class ko buhat nang napalipat ako sa Grade 5,
ang section Cacao school year 2013-2014. Masaya ako at meron akong isang naging
pupil noon na hindi nag-aatubiling lumapit sa akin at ang simpleng pagbati niya
lamang ay kumpleto na ang araw ko. Medyo pasaway yun noong bata pa pero may
respeto pa rin at nakakaalala sa kanyang mga naging titser. Sana sa susunod na
magkita uli kami somewhere down the road, tao pa rin ang tingin niya sa akin;
palibhasa, karamihan sa mga naging pupils ko, sa mga subjects man o mismong
mula sa mga hinawakan kong advisory classes noon, masalubong ko lang sa mga
daanan, titingin sila sa malayo o kunwaring magsi-cellphone na para bang ang
kasalubong nila ay isang maligno o multo ng nakaraan at hindi ang guro nila
noon; naging halimaw ba ako ng classroom, ha?
*******
Itong ika-2 ng Hulyo o mga ilang araw bago at pagkatapos ng petsang ito,
ang daming nakagigimbal na balita. Misencounter sa pagitan ng PNP at Army doon
sa Samar; sino pa ba ang mga ungas na magdiriwang sa trahedyang iyon kundi ang
mga kalaban ng pamahalaan?! At pagkatapos, mga asasinasyon sa mga local
government officials sa iba’t ibang lugar sa bansa na mga ‘narco-politicians’
daw yung ilan ayon sa ‘source’ kuno ng gobyerno kahit hindi naman napatunayan.
Kabilang sa mga itinumbang mayors ay si Mayor Halili (†) ng Tanauan, Batangas
na nakilala noon sa mga iniutos na ‘walk of shame’ para sa mga nahuling law
violators sa kanyang lungsod kaya inaalmahan siya ng CHR. Ayon sa mga panayam
noon sa alkalde, sinabi niyang matagal na niyang pinaghandaan ang kanyang
kamatayan sa dami ng kanyang mga nakabangga sa pagtupad lamang ng kanyang mga
tungkulin.
At dagdag pa sa mga bigat ng mga balita ang ‘circus’ doon sa Philippine
Arena live on national TV courtesy of channel 5. Doon kasi ginanap ang FIBA
qualifying games at nagharap ang Gilas Pilipinas at Australian Boomers. Ang
basketball ay naging basketbrawl. Natambakan na nga sa laro ang ating home team
tapos nauwi sa riot sapagkat parehong koponan ay naglaro nang mainit ang ulo.
Tsktsktsk!
*******
Ngayong 2018 mid-year period na, patuloy ang pagpupumilit ng kampo ni
Duterte sa federalismo at sinimulan yun sa panukalang baguhin ang ilang
mahahalagang probisyon ng Saligang-Batas. Matagal nang batid ng madla ang mga
panawagang gawin nang pederal ang uri ng pamahalaan ng Pilipinas. Panahon na
raw upang gawing desentralisado ang pamamahala sa bansa o yung hindi na dapat
tumutok na lang sa tinaguriang “Imperial Manila” para maabot naman ng kaunlaran
ang maraming mahihirap na rehiyon gaya ng ARMM. Ang lumasap naman daw ng
progreso ang mga developing provinces, partikular sa Mindanao na ang mga
tagaroon ang pinakamarami sa mga sang-ayon sa federalismo. Ayon sa mga
tagasuporta, maganda ang layunin ng federalismo at ito ay may gawad na
karagdagang awtonomiya at mga karapatan para sa mga rehiyon na linangin ang
kani-kanilang pook nang hindi na umaasa sa central government.
Kaya lang, kadalasang kapag kaaya-aya ang layunin, may mga kaakibat namang
mga pamamaraang masasabing naghahati ng opinyon o palagay ng sambayanan. Dadami
ang mga kawani gaya ng dagdag na mga senador tapos mga karagdagang ‘korte
suprema’ para sa bawat federal region.
Ilang bilyong piso kaya ang magiging alokasyon mula sa national budget ang
mapupunta doon? At saka may latest pang isinaad na mawawalan daw ng saysay ang
mga bagong panukalang konstitusyon kung ipagbabawal ang political families.
Ganoong ‘kultura’ pa naman ang umiiral sa maraming local government units sa
iba’t ibang panig ng bansa.
Paano yan? Mabubuti ang layunin ng federalismo para sa kaunlaran ng bansa
pero paano kung pamunuan pa rin ang mga pamahalaang lokal ng mga tiwaling
opisyales? Halimbawa ay sa ilang lugar sa Mindanao kung saan laganap ang
kahirapan, pagkatapos ang kanilang mga local government units ay nahaluan ng
mga tao na ang mindset nila na kapag nasa larangan na ng pulitika ay “bago
kayo, ako muna” policy.
Kung sakali man makalusot na ang federalismo, mayroon munang transition
government na pamumunuan pa rin ng incumbent president. Nang nakapanayam si
Duterte kung sino ang nais niyang pumalit sa kanya sakaling di niya matapos ang
kanyang termino, ang sagot niya ay definitely hindi raw ang kanyang VP ‘because
she is incompetent’ daw. Wala pang 24 oras mula nang sinabi niya yun, umani na
siya ng batikos. At ang tugon ni Leni in her usual poise of calmness, sa halip
na pagsalitaan siya ng di-maganda lalo na ang Diyos, asikasuhin na lang daw ng
ating kagalang-galang na Pangulo ang maraming economic problems at iba pang
mahahalagang isyu sa bansa. Ano bang mga notions ni Duterte tungkol sa kanyang
‘idealized competent officials’? Yun ang tingin niya sa marami sa kanyang mga
tagasuporta kaya in-aapoint niya ang mga ito sa iba’t ibang posisyon sa
gobyerno kasi mga competent naman ang mga ito. At pagkalipas ng ilang panahon,
depende kung sinong government official, either na nag-resign na lang ang mga
ito o di kaya’y sinibak niya sa pwesto.
Tungkol naman sa isyu sa Supreme Court, matapos matanggal sa pagiging
Chief Justice si Mrs. Ma. Lourdes Sereno, ininterbyu si Duterte kung sino ang
nais niyang pumalit dito. Ang sabi niya, ‘not a politician, definitely hindi
babae’. Kahit ano pang pagtatanggol sa kanya ng kanyang mga alipores sa
gobyerno tulad ni Spokesman Roque na tagapaglinaw ng konteksto ng kanyang mga
pinagsasabi sa publiko, sumisingaw at sumisingaw pa rin ang kanyang
nakasusulasok na machismo and chauvinism.
*******
Ika-12 ng Hulyo, second anniversary ng pagkakapanalo sa UN arbitration
court ng Pilipinas laban sa China hinggil sa agawan sa teritoryo sa West
Philippine Sea. Walang-bisa na ang nine-dash demarcation crap ng China na
gawa-gawa, este base raw sa kung saang lupalop na nagmulang historical claim
nito sa halos buong South China Sea. Subalit sa araw na ito nang paggunita sa
tagumpay na iyon ng Pilipinas, nagulantang ang kahit sino nang natunghayan ang
mga naglalakihang pulang tarpaulin sa ilang lugar sa Kamaynilaan na nagsasaad
ng nakaiinsultong “Welcome to the Philippines Province of China” at meron pang
Chinese characters na translation nito at agad yun pinagtatanggal ng mga MMDA.
Tsktsktsk! Hindi nga nasagap sa CCTV at walang nakakaalam kung sinong mga ugok
na tao ang nagkalat ng masamang birong iyon. May mga naghihinalang mga
aktibista raw ang may kagagawan na naglalayong mang-asar sa Duterte
administration o di kaya’y mga Chinese nationals mismo na aktibista doon sa
kanilang bansa o di kaya’y mga taong sadyang walang magawang matino sa buhay nila,
o! Naku, ha! Ilang libo kaya ang ginastos kada tarpaulin? Matatandaan nang may
conference ang Filipino-Chinese businessmen noon at dinaluhan din ng ambassador
ng China, may sinabing corny joke si Duterte na gawin na lang daw probinsya ng
China ang Pilipinas. What a sick joke from a sick old man, ‘nuff said.
*******
Ika-15 ng Hulyo at sa Misa sa araw na ito, may binasang CBCP pastoral
letter ang pari. Nitong mga nakaraang araw kasi nag-eeskandalo ang ating
kagalang-galang na Pangulo at pagkatapos, naging maamong tupa naman matapos ng
closed door meetings sa ilang religious leaders kagaya ng kapwa-Dabawenyo
niyang si Archbishop Romulo Valles. Nagkaroon ng ‘ceasefire’ sa pang-aaway niya
sa Simbahan.
Ang reaksyon kasi ng CBCP sa mga masasakit na pananalita nitong tatang
Digong natin ay palaging mahinahon. Hindi na kailangang “fight fire with fire”
rather “fight fire with the calmness of water”. May mga binanggit ding quotes
mula sa Beatitudes of Our Lord na lalong nagpaganda sa pastoral letter. Sa
bandang huli, ang pananampalataya ang mananaig at hindi ang pang-aalipusta. Ang
Gospel reading pa naman sa Linggong ito ay tungkol sa atas ng Panginoon sa
Kanyang mga alagad na ipagpatuloy sa lahat ng dako ang Kanyang ministriya.
*******
Minsan isang maalinsangang araw ng Sabado, nang galing ako sa Baclaran
Church sa Redemptorist, may nangyaring kakaiba. Sumakay ako ng dyip na pabalik
na dito sa Villamor Air Base at pag-upo ko pa lang doon, nagtaka ako doon sa
isang matabang mama na may malaking backpack at katabi ko sana sa hilera ng mga
pasahero. Bigla siyang lumipat ng kinauupuan doon sa kabilang panig kahit na
siksikan na sila doon. Inisip ko tuloy na nabahuan siguro sa akin dahil nga
medyo nabilad ako sa init ng araw sa katanghaliang-tapat! Kaya lang pagpara ng dyip
namin sa Heritage Hotel sa kanto na ng EDSA, nagulat kami nang yung isang
bading na pasahero ay hinatak ang isa pang mama na pababa na sana sabay sabing
“Kuya, kinuha mo ang cellphone ko!” at nalaglag nga sa lapag ang isang mukhang
mamahaling cellphone. At yung mandurukot ay kaswal lang na pumanaog sa dyip at
mahinahong naglakad papuntang Roxas Boulevard. Grabe ang bilis ng pangyayari na
sana naisip ng pasaherong iyon na tawagin ang mga pulis na nagpapatrolya sa may
panulukan ng EDSA-Roxas at yung ibang pasahero ay naghinayang na sana’y
sinuntok nila ang mandurukot. Nagpatuloy sa biyahe ang dyip at pagtigil nito sa
tapat ng Copacabana Hotel, bumaba naman yung matabang lalaki na lumipat ng
pwesto nang sumakay ako. Hinala ng mga pasahero na magkasabwat ang dalawang
ugok na nakapanlilinlang ang itsura at porma at gamit nila sa modus nila ang
malalaki nilang backpack. Kaylaki-laking mga tae, este, mga tao di maghanap ng
legal na trabaho!
*******
Ang saya-saya namang makapamasyal sa National Museum of Natural History sa
Luneta! Siyempre tulad sa iba pang government museums, libre ang entrance dito.
Nakamamangha talaga doon pero nang araw na nagpunta ako doon, inaayos pa ang
mga galleries sa fourth floor at akala ko, naka-displey na ang naka-preserved
na katawan ng buwayang si Lolong. Very educational talaga ang maglibot doon at
namnamin ang mga dagdag-kaalamang hatid ng museo ngunit sa totoo lang, may
bigat din sa aking nadarama sa mga napagmamasdan kong preserved animal
specimens na naka-exhibit doon. Sana, ang mga hayop doon ay natural causes ang
pagpanaw bago sila dalhin sa mga taxidermists para sa kanilang bagong roles sa
ngalan ng kaalaman. Nakalulungkot naman kasi kung ang mga hayop na iyon ay
sadyang ginawang animal sacrifices sa altar ng siyensya. Mula nang naging libre
ang entrance sa mga museum, mas dumami na ang mga taong nagtutungo doon at
nag-i-enjoy. Gusto ko rin mapuntahan muli ang dalawa pa sa mga gusali ng
Pambansang Museo sa susunod.
No comments:
Post a Comment